ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ng actor, director, lawyer na si Vince Tañada na sobra siyang nagpapasalamat sa nakamit na 17 nominations sa FAMAS para sa pelikula nilang Katips.
Nominated sa FAMAS si Direk Vince bilang Best Actor para sa naturang pelikula.
Kasama niya rito si Jerome Ponce bilang co-nominee. Nominado rin si Direk Vince sa kategoryang Best Screenplay, Best Director, at Best Original Song para sa Katips.
Ani Direk Vince, “Maasayang-masaya po tayo, this is our first film ever produced by Philstagers na ma-nominate ng 17 nominations. Although matagal na tayo sa teatro, tatlong dekada na tayong nagsusulat at nagdidirek sa teatro.
“Masaya po tayo dahil nadala po natin sa pelikula iyong nakasanayan kong gawin sa teatro. In short, hindi yung pelikula ang nag-adjust sa teatro, kumbaga parang dinala ko yung teatro at in a way hindi naman tayo nahirapan. But it’s not normal for us to see Filipino musical being produced in film. Kaya bagong experience rin siguro kaya tayo na-nominate.”
Ilan pa sa nasungkit na nomination ng Katips ang Best Actress para kay Nicole Laurel Asensio, Best Supporting Actor para kina Mon Confiado at Johnrey Rivas, Best Supporting actress para kay Adelle Ibarientos, Best Cinematography para kay Manuel Abanto, Best Original Song para kina Vince at Pipo Cifra, Best Musical Score for Pipo Cifra, Best Sound kay Don Don Mendoza ng Outpost Visual Frontier, Best Editing para kay Marc Jason Sucgang, at Best Production Design para naman kay Roland Rubenecia.
Samantala, aminado si Direk Vince na tinapatan nila ang pelikulang Maid In Malacañang ni Direk Darryl Yap. Parehong sa August 3 ipalalabas sa mga sinehan ang pelikula nila.
Saad ni Direk Vince, “Nilabanan ko talaga iyong Maid in Malacañang, china-challenge tayo ng Maid in Malacañang, kaya nag-react nang ganoon si Direk Joel (Lamangan). Sabi ni Direk Joel, gagawa siya ng pelikula, eh ito nagawa na namin.
“Sabi ko, now is the time after ng 17 nominations (sa FAMAS) at after ng promotions ng Maid In Malacanang, we are head to head. Kasi this is about the truth and nobody can ever invalidate my personal experience as a victim of Martial Law.”