PATONG-PATONG na kaso ang kakaharapin ni Dr. Chao-Tiao Yumol, ang namaril at pumatay ng tatlo katao kabilang ang dating alkalde, sa campus ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City.
Ayon kay Maj. Wennie Ann Cale, tagapagsalita ng Quezon City Police District (QCPD), inihahanda na ang tatlong kaso ng murder at frustrated murder laban sa gunman na si Yumol.
Bukod dito sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law, RA 10591, o mas kilalang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, direct assault, malicious mischief at reckless imprudence resulting in damage to property ang nasabing doktor.
Ito ay matapos mapatay ang mga biktimang sina dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay, kanyang Executive Assistant na si Victor Capistrano, at isang guwardiya sa Gate 3 ng Ateneo na si Jeneven Bandiola, 35.
Sugatan ang anak ng dating mayor na si Hanna Rose Marine at ang nurse na si Julia Manabat, 54, nang tamaan ng stray bullet sa balikat. Ang dalawa ay nasa ospital at patuloy pang inoobserbahan.
Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay QCPD Director P/BGen. Remus Medina, paghihiganti ang nagtulak kay Yumol para barilin at patayin si Furigay dahil noong Mayor ito ay kinasuhan ng kasong cyberlibel at ipinasara ang infirmary clinic ng doktor dahil wala umanong permiso para mag-operate.
Sinabi ni Atty. Quirino Esguerra Jr., abogado ng mga Furigay, kinasuhan nila si Yumol ng higit sa 60 libel cases nang magpakalat ito sa Facebook ng mga malilisyosong post laban kay Furigay noong ito pa ang alkalde ng Lamitan.
Inakusahan ni Yumol si Furigay na isang drug lord sa Basilan, at ang sitwasyon sa nasasakupan nito ay hindi maganda at umanoy napakagulo. (ALMAR DANGUILAN)