SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INTERESTING ang line up ng mga show na mapapanood sa bagong streaming app na Juanetworx at kahanga-hanga ang pagsasama-sama nina Edith Fider, Col Danny Enriquez, Lt Col Arnold Tomas Cabugao Ibay, Tony Adriano at iba pa para makagawa ng isang app na ang layunin ay hindi lamang makapagbigay-saya kundi makatulong din.
Noong Huwebes, July 21, inilunsad ang Juanetworx at inisa-isa nila ang mga programang mapapanood dito. Kabilang ang sariling programa ng tinaguriang “masungit na tindera,” si Bernie Batin sa The Sari-Sari Show, Mga Kuwento Sa Dilim ni Ed Caluag, untold stories ni Fr. Fernando Suarez hosted by Boy Abunda, The Rey Valera Story: Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, at Doc Willie Ong: Ang Inyong Lingkod.
Ang Juanetworx ay ang “first all-around entertainment and emergency app” sa Pilipinas na na-envision ng yumaong healing priest na si Fr. Suarez. Sa halagang P100 membership fee, magkakaroon ka na ng access sa lahat ng kanilang content.
Ipalalabas din sa Juanetworx ang life story ni Lt. Col. Ibay na pagbibidahan ni Aljur Abrenica, ang sex-drama na Erotixa nina Christian Bables at Ali Forbes at ang isa pang sexy-suspense na Ang Huling Burlesk Queen.
Mga may show din ukol sa pagluluto, ito ang The Soulful Kitchen Diva ni Chef Sheilla at ang inspirational-docu drama na True To Life Stories na mapapanood ang kuwento ng buhay ng indie actor na si Charles Delgado.
Sa mensahe ng Saranggola Media produ na si Fider sinabi nitong, “Ang pakiramdam ko ngayon, nagbabalik-tanaw ako sa aming pinagmulan.
“Ang mga matatalik kong kaibigan, si Joven Tan at si Gregorio Serrano. Nag-umpisa kami ng isang maliit na produksiyon sa tulong at gabay ni Fr. Fernando Suarez.
“Mula sa aming humble beginning ay ito kami ngayon, naglakas ng loob para magbukas ng isang digital network, ang Juanetworx.
“Mula po noong ginabayan kami ni Fr. Suarez, lahat po ng prophecies niya sa amin, nagkatotoo. Na-meet namin, nakasalamuha namin ‘yung mga tamang tao para dalhin dito.
“Nakaagapay namin, nakasama namin lahat ng mga tamang nilalang at tamang mga expert para mabuo ang isang network para sa Pilipinas.
“Nakikita niyo naman, medyo may edad na ako. So, ito’y legacy na, pagbabalik-loob lang para sa mga naitulong sa akin at sa aming lahat. Ito ang Juanetworx.
“Kami pong mga nagsama-sama rito, hindi lang basta nagsama-sama. Kami po’y pinag-isa ng iisang layunin, ng iisang damdamin. Na kami’y makapaghatid ng saya at makatulong sa mga mamamayang Filipino sa buong mundo.”
Sinabi pa ng prodyuser ng Yorme: The Isko Domagoso Story na “Ngayon lang magkakaroon ng isang entertainment hub na may kasamang helpline.
“Ang ibibigay namin sa mga tao ay hindi lamang kaligayahan, hindi lamang entertainment, kung hindi proteksiyon para sa bawat isa, lalo na ‘yung wala rito sa bansa (mga OFW).
“Hindi ako nag-iisa rito siyempre. Marami akong kasama. Maraming tumulong sa akin para sa adhikaing ito.
“So, kaming tatlo na dati’y kakarampot, ngayon, eh, marami na rito sa kompanya. Maipagmamalaki ko na pare-pareho ang aming layunin. Iisa ang aming damdamin. Lahat kami, maka-Juan. Lahat kami, makabayan.”
Bukod sa mga nabanggit na mga pelikula at documetary, magpapalabas din ang Juanetworx ng mga concert at K-drama.