ISANG armadong kawatan ang napatay matapos makipagbarilan sa pulisya sa engkuwentrong naganap sa Pulilan, Bulacan, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Police Colonel Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, dakong alas-11:00 ng gabi, ang mga tauhan ng Pulilan Municipal Police Station (MPS) ay rumisponde sa ulat na may nagaganap na insidente ng nakawan sa Brgy. Taal, Pulilan, Bulacan.
Sinasabing tumakas ang suspek na tangay ang kinulimbat na cash at ginamit pa sa pagtakas ang motorsiklo ng biktima.
Sa inilatag na hot pursuit operation, isang indibiduwal na tumutugma sa deskripsiyon ng suspek at ng motorsiklo ng biktima ang pinahinto ng mga police officers sa Lumbac, Pulilan.
Sa halip na huminto, ang suspek ay bumunot ng baril at pinaputukan ang mga police officers na kaagad namang nagsipagkubli.
Dito napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Narekober sa crime scene ang isang Para Ordnance Cal.45 pistol na kargado ng bala, isang Yamaha Nmax motorcycle, belt bag na naglalaman ng pera na halagang PhP1, 570.00.00, ID ng biktima at pakete ng shabu na tumitimbang ng 20 gramo at tinatayang may DDB value na PhP136, 000.00.
Sa isinagawang imbestigasyon ay nakilala kalaunan ang suspek na si Brian Victorino, 25-anyos, na residente ng Longos, Pulilan, Bulacan na nakapangalan bilang bagong miyembro ng Serano Criminal Gang, na nag-o-operate sa Pulilan at mga kanugnog bayan. (MICKA BAUTISTA)