ni ROSE NOVENARIO
HINDI pabababain sa presyong P20 kada kilo ng bigas ang prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kundi mas pagtutuunan ang ‘farm-to-market road.”
Sa ikalawang pulong ni FM Jr., sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) bilang kalihim ng kagawaran kahapon, sinabi niya sa isang tweet, ang prayoridad niya sa kanyang plano para sa agrikultura ay ang pagpapatibay ng programang “farm-to-market road” at pagsusulong ng mga proyektong makatutulong sa mga Filipino sa sektor ng agrikultura.
Sa isa pang tweet, sinabi niyang, “Titiyakin natin na may sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat!”
Walang detalyeng inihayag si FM Jr., kung paano niya isasakatuparan ang kanyang mga balak sa sektor ng agrikultura bagkus ay pawang “tweet” niya ang natutunghayan ng publiko sa ikatlong linggo niya sa puwesto.
Isa sa pangunahing inaasahan ng mga maralitang Pinoy ay tuparin ni FM Jr., ang campaign promise na ibaba sa P20 bawat kilo ang presyo ng bigas dahil umabot na sa P50/kilo ang pinakamababang halaga ng bigas sa ilang lugar sa bansa.