ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ng tinaguriang Cult Director na si Roman Perez Jr. ang pagkabilib sa husay ni Ayanna Misola sa pelikulang Ang Babaeng Nawawala sa Sarili.
Aniya, “First, yung Ayanna kasi, iba ang innocence niya para siyang mamba, akala mo inosente, pero mamaya ay tutuklawin ka na lang. May ganoon siyang kapangyarihan, may ganoong magic…
“Itong Ang Babaeng Nawawala sa Sarili, isa ito sa pinakapaborito kong pelikula, pinakamagaling na Roman ito sa palagay ko. Kasi hindi ko ito genre, psychological thriller ito at hindi siya horror talaga, sabi ko nga, to date, parang ito ang pinakamaganda kong creation.”
Pinuri niya ang husay ni Ayanna sa pagganap sa napakahirap na role rito.
Wika ni Direk Roman, “Habang pinanonood ko ang pelikula sa editing, kahit si Bea Alonzo siguro ang gumawa nito, mahihirapan. Sobrang hirap ng character, apat na tao ang ginagampanan ni Ayanna at kahit sino pa ang gumawa nito, mahihirapan… Kahit siguro ang ating National Artist na si Nora Aunor, kapag ginawa itong pelikulang ito ay mabibigyan ng magandang challenge.
“Ang hirap na multiple characters na ginagampanan niya at napakagandang vehicle nito para kay Ayanna. Napakahusay ni Ayanna, lalo yung mga mahihirap na scene, na-pull off niya, kaya si Ayanna matatawag na nating aktres,” diin pa niya.
Ang Babaeng Nawawala sa Sarili ay mapapanood na sa July 15, 2022 sa Vivamax. Bukod kay Ayanna, tampok din dito sina Diego Loyzaga, Adrian Alandy, Mon Confiado, Carlene Aguilar, Allan Paule, Ava Mendez, at iba pa.
Naging malaking hamon kay Ayanna ang paggawa ng pelikulang ito. Sa first shooting day pa lang kasi ay nagkaroon siya ng anxiety attack dahil sa matitinding eksena. At hindi lang puro pagpapa-sexy ni Ayanna ang dapat abangan sa ABNSS.
Ang Ang Babaeng Nawawala sa Sarili ay unang kinabaliwan sa Hiwaga Komiks. Binigyang buhay ito sa pelikula ng premyadong aktres na si Dina Bonnevie noong 1989. Ngayong 2022, si Albina ay gagampanan ng Vivamax A-lister na si Ayanna, sa reimagining ng Ang Babaeng Nawawala sa Sarili.
Habang pinapangarap ni Albina na maging modelo, pinagnanasahan naman siya ng tatlong lalaki. Sa piling nila, mahahanap niya ang kakaibang ligaya. Ngunit bakit tila mawawala rin siya sa sarili?
Ang tatlong lalaki sa buhay ni Albina ay sina Lawrence, Wendell, at Greg. Si Lawrence (Diego), ay isang photographer na makikilala ni Albina sa isang party. Siya ang magiging nobyo ni Albina. Si Wendell (Adrian), ang ex-boyfriend na obsessed pa rin kay Albina. Kahit nagtaksil ito sa kanya, pabor pa rin dito ang kanyang mga magulang. Si Greg (Mon), ang designer at may-ari ng bigating Manos Fashion House. May kapangyarihan siyang bigyan ng big break si Albina bilang modelo. Magiging makulay ang buhay ni Albina dahil sa kanila, ngunit may isang maitim na elemento na sasapi sa kanya at gugulo sa kanyang mundo. Ito ay nagngangalang Olivia (Ava).