NAULINIGAN ni Kevin Belingon sa sirkulo ng mixed martial arts na ibig makaharap ni Fabricio Andrade ang kanyang teammate na si Stephen Loman at gusto niya ang tsansa ng kanyang kaibigan kung magkakaroon ng kaganapan ang paghaharap ng dalawang batang bantamweights.
Pagkaraang magrehistro ng malaking panalo si Andrade laban kay Kwon Won II, nilapitan niya si Team Lakay head coach Mark Sangiao tungkol sa plano niyang makaharap ang red-hot Filipino. Sinabi pa ng Brazilian na kung sakali siyang maging ONE Bantamweight World Champion, gusto niyang makaharap si Loman sa una niyang title defense.
Nagbabala naman si Belingon kay Andrade na maghanda ito na tumanggap ng pambubugbog sa kamay ni Loman.
“I think Stephen can submit him or knock him out,” pahayag ni Kevin Belingon tungkol sa hamon ni Fabricio Andrade sa kanyang teammate na si Stephen Loman
Si Loman, No. 4 kontender sa bantamweight division ay hindi pa nakakatikim ng pagkatalo sa ONE Championship. Ang kanyang debut sa promosyon ay tinatayang pinakamagandang ipinakita niyang laban.
Ang Team Lakay star ay walang naging problema sa #3-ranked na si Yusup Saadulaev sa first round ng kanilang laban sa ONE: Winter Warriors II nung Disyembre 2021. Tinapos niya si Saadulaev sa pamamagitan ng malutong na kaliwa na tumapos sa Russian brawler.
“I think Stephen is more complete, he can take you down and control and he has power and timing. So if that happens, for me I think Stephen can take him on,” sabi ni Belingon.
Si Andrade ay isa sa sumisikat sa ONE Championship na nagtala ng limang sunod na panalo na tatlo dun ay via knockout.
“Maybe Andrade just wanted to prove that he’s the best… He says a lot of things but he’s proving it in the Circle. He’s walking the walk. We’ve seen his previous fights, he really performed to the highest level. His timing is impeccable. He’s a great fighter,” pahayag ni Belingon.