WALONG hinihinalang adik ang arestado matapos maaktohang nag-aabutan at sumisinghot ng ilegal na droga sa magkahiwalay na drug operations ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa report ni P/Cpl. Christopher Quiao kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura, Jr., nagsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Doddie Aguirre ng validation kaugnay sa natanggap na tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa 535 Coloong 1.
Pagdating sa lugar dakong 1:00 am, naaktohan ng mga operatiba sina Robert Ramos, 44 anyos, construction worker; Renaldo Ballano, 43 anyos, welder; Patrick Lucas, 34 anyos, tricycle driver; Robert Marcos, 39 anyos; Leo Marcos, 22; at Jon-Jon Lucas, 32 anyos, pawang obrero na sumisinghot g shabu sa loob ng isang bahay na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Narekober sa mga suspek ang isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang nakabukas na transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia at cellphone.
Nauna rito, dakong 11:30 pm nang maaktohan ng team ng SDEU si Sherwin Orina, 47 anyos, na may iniabot sa isang Wilson Santos, 50 anyos, isang transparent plastic sachet, ng hinihinalang shabu sa Rosario St., Brgy. Gen. T. De Leon na nagresulta sa pagkakadakip sa kanila.
Ayon kay P/SSgt. Carlito Nerit, Jr., nakompiska sa mga supek, ang dalawang heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, nasa P680 ang halaga, P250 cash, at cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)