ni ROSE NOVENARIO
IPINABEBERIPIKA ng Palasyo ang mga ebidensiya ng katiwalian na nakasaad sa petisyon ng mga opisyal at kawani ng Philippine Information Agency (PIA) laban kay Ramon Cualoping III, director-general ng ahensiya.
“As with any complaint, the same will be forwarded to the appropriate agency for validation, and the person complained of will be given the opportunity to answer,” pahayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles kaugnay sa petisyon laban kay Cualoping.
Sa ipinadalang petisyon kay Marcos Jr., nilagdaan ng career officials, regional heads, division heads, at employees association representative, ipinatatanggal si Cualoping dahil may “erratic moods and sullen mind” at inoobliga ang mga tanggapan ng PIA sa buong bansa na tustusan ang kanyang mga kapritso at personal na interes na nagdulot ng demoralisasyon at pagkakawatak-watak sa PIA.
“In his regular regional visits and provincial sorties, even at the height of the pandemic, resources of regional offices were exploited as he would require the regions to provide for extravagant and irregular expenditures for hotel accommodations, vehicle rentals, and even for drinks, liquors, cigarettes and freebies.”
Ikinukubli anila ni Cualoping ang kanyang kuwestiyonableng aktibidad bilang official business ngunit sa realidad ay “personal tours, and trips festooned with splurges, extravagant and wasteful expenditures for personal gains and agendas.”
Wala anilang maipagmamalaking konkretong accomplishments si Cualoping na naiambag bilang kanilang PIA Director-General sa nakalipas na mahigit dalawang taon.
Iginiit nilang nahaharap ngayon ang PIA sa P52-milyong disallowance na resulta ng isinagawang special audit ng Commission on Audit (COA) sa kawanihan.
“The agency is also being challenged by a P206-M discrepancies in financial books for Plant Property Equipment.”
May isa anilang insidente na walang pambayad si Cualoping sa tinuluyang hotel kaya inutusan niya ang PIA regional office na ayusin ang kanyang bill.
Ang asal ni Cualoping ay hindi anila angkop para sa isang public official at nakasisira sa imahen ng PIA.
Sa 2019 Annual Audit Report ng COA, inatasan si Cualoping na magsumite ng supporting documents para sa ginugol niyang P395,481.78 mula Philippine Drug Enforcement Agency – Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (PDEA-ICAD) trust fund.
Kinuwestiyon din ng COA ang P2,024,328.25 ginasta ni Cualoping noong siya’y assistant secretary at chief brand integrator ng PCOO.
Kamakailan ay napaulat na sinampahan ng kasong estafa si Cualoping dahil hindi niya nabayaran ang P2.9 milyong kontrata para sa proyektong “Rehabinasyon” noong 2018 habang siya’y Assistant Secretary sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
‘MANOK’ NI MR. TALPAKAN
Sa hangarin umanong manatili sa puwesto at ipakita ang kanyang ‘loyalty’ kay Marcos Jr., tinadtad ni Cualoping ng mga tarpaulin na “Mabuhay PBBM!” ang loob at labas ng gusali ng PIA sa Visayas Ave., Quezon City para makita ng transition committee na bumisita sa ahensiya noong nakalipas na buwan.
“Ang matindi, bago ang inagurasyon ni PBBM noong June 30, ikinandado ni Cualoping ang opisina ni Sec. Andanar at ibinigay ang susi sa isang taong malapit kay BBM na mahilig sa talpakan para maging opisina niya,” sabi ng source.
“Naging madalas ang ‘mabo-boteng usapan’ sa ex-office ni Sec. Andanar at dinarayo ito ng mga nais sumispsip kay ‘Mr. Talpakan’ upang makasungkit ng puwesto o pabor sa gobyerno,” dagdag ng source.
Giit ng source, kaya naging masalimuot ang proseso ng opisyal na komunikasyon ng Palasyo sa administrasyong Marcos Jr., ay dahil apat na tao ang dinaraanan nito bago makarating sa media at ang huling kumukumpas ay si Mr. Talpakan.
Kamakailan ay pumalpak ang naturang pangkat nang ipatanggal ang balitang ipinapaskil sa Philippine News Agency (PNA) kaugnay sa umano’y pagpabor ni Marcos Jr., sa panukalang gawing requirement ang CoVid-19 booster shot sa mga mamamayan.
Itinanggi ng Department of Health (DOH) na may direktiba si Marcos Jr., na gawing mandatory ang CoVid-19 booster shot bilang paghahanda sa pagdaraos ng face-to-face classes sa bansa.