ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISANG mapaghamong papel na naman ang gagampanan ni Allen Dizon sa bago niyang pelikula titled Pamilya sa Dilim na gaganap siya ng dual role.
Isinulat at idinidirek ni Jay Altarejos, tampok din dito sina Laurice Guillen, Sunshine Cruz, Ina Feleo, Rico Barrerra, Therese Malvar, Heindrick Sitjar, Angelo Carreon Mamay, at marami pang iba.
Maraming beses na siyang gumanap bilang police and this time, isang killer police naman ang natoka sa kanya.
May challenge pa ba siyang nararamdaman sa bago niyang movie bilang isang masamang pulis?
Tugon ng award-winning actor, “Mahirap itong character, eh, pulis nga siya pero iba yung gagampanan kong character dito.
“Pulis siya, pero more on family drama itong movie. Ito yung dumating sa point na pinatay ka ng anak mo, tapos ikaw ulit ang gaganap na anak, at gagawin mo ulit sa anak mo.”
Esplika pa ni Allen, “Iyong character na gagampanan ko, parang like father, like son, parang ganoon.
“Umikot siya sa isang pamilya… yung pagiging ano niya, siguro bipolar siya or may diperensiya sa utak or gusto niya siguro ma-experience lahat ng mga nakita niya sa tatay niya… Kasi may pattern na ano ito eh, lahat nakita niya sa ama niya.
“So, ibang klaseng pulis naman si Eddie Boy dito, iyong sa Walker, iba rin, corrupt naman na pulis.
“So, magkaiba yung role talaga, extreme yung character ko rito sa Pamilya sa Dilim,” diin pa ni Allen.
Nandoon iyong challenge na kahit dual role ito, maipakita niya yung distinct na character ng mag-amang pulis?
Pahayag ni Allen, “Oo naman, sobrang challenging ang role ko na ito, hindi ko lang masabi kay Direk kung paano namin gagawin ang lahat ng mga eksena.
“Kumbaga, siguro, roon na lang sa shooting namin pag-usapan lahat, nagrere-hearsal kami and may mga discussions kami.
“Si direk ine-explain ang lahat kung paano, so, itong pelikulang ito ay magagawa namin nang maayos dahil maganda yung casts and yung director namin ay nagga-guide talaga sa aming mga artista.”
Nabanggit din ni Allen na kahot marami na siyang nakuhang acting awards, hindi raw sumasagi sa isip niya na kapag may bago siyang pelikula ay dapat na mananalo na naman siya ng award.
Aniya, “Bale ang ginagawa ko lang, ibinibigay ko ang best ko sa bawat role na ibinibigay sa akin. Ano man ang character na ibinibigay nila sa akin, inaaral ko lang talagang mabuti ang script.
“Madalas naman kasi, ‘yung character na ginagampanan ko, malayo sa akin sa tunay na buhay. Nagpapasalamat lang talaga ako na nabibigyan ng mga ganitong klase ng roles na maganda at challenging talaga,” sambit pa ni Allen.