ni ROSE NOVENARIO
HINDI ikinagulat ng isang progresibong ekonomista na balewala kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang paglobo ng inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin dahil mismong relo niya ay mas mahal pa sa yaman ng 99% pamilyang Pinoy.
Sinabi ni Sonny Africa, Ibon Foundation Executive Director, kapaniwa-paniwala na hindi alam ni Marcos, Jr., ang usapin ng inflation dahil hindi siya apektado nito.
“Kapani-paniwala sa akin na hindi niya alam ‘yung inflation sa Filipinas. Siya ‘yung klase ng tao na may relo, ang kuwento nga roon, P9-15 milyon ang halaga. Hindi ko alam kung alam ninyo… 99% ng pamilyang Filipino, hindi umaabot ng P15 milyon ang kanilang yaman. So, kumbaga, may posibilidad na ‘yung relo ni Bongbong Marcos noong sumumpa siya bilang Pangulo, mas mahal pa ‘yun kaysa yaman ng 99% ng Filipinas. So medyo na-gets ko kung bakit ibabalewala ‘yung pagtaas ng presyo ng bilihin kasi hindi niya nararamdaman ang pagtaas ng presyo ng bilihin,” ani Africa sa programang ‘Wag Po sa One PH kamakalawa.
Kahit aniya ipa-autopilot sa economic team ng administrasyong FM, Jr., ang ekonomiya, ganoon pa rin ang magiging takbo.
“Maaaring manggugulo sa gilid si Pangulong Marcos sa kanyang mga proposal parang ‘yung P20 bigas o anomang ideya niya. Sa pangkalahatan, ‘yung ipinakita ni President Marcos no’ng nagsalita siya sa inflation, una, hindi niya naiintindihan ‘yung economics,” ani Africa.
“Ikalawa, wala siyang simpatiya sa lagay ng ordinaryong Filipino, at actually, wala siyang bagong programa para sa ekonomiya na iba doon sa mga nakaraang administrasyon, including administrasyon ng tatay niya,” dagdag niya.
Matatandaan, sinabi ni Marcos, Jr., hindi siya naniniwala sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo sa 6.1% ang inflation ng bansa pero ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, ‘misunderstood’ ang pahayag ng Pangulo.
“Marcos not only denies history, he also denies economic data from his own government agencies. Inflation will not slow down just because the President says the data is wrong. There must be concrete action,” pahayag ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes, Jr.