ni ROSE NOVENARIO
PUMALAG ang mga opisyal at mga kawani ng Philippine Information Agency (PIA) sa pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kay Ramon Cualoping bilang director-general ng ahensiya.
Sa ipinadalang petition letter kay Marcos, Jr.,,na nilagdaan ng career officials, regional heads, division heads at employees association representative, nakasaad, “may erratic moods and sullen mind” si Cualoping at inoobliga ang mga tanggapan ng PIA sa buong bansa na tustusan ang kanyang mga kapritso at personal na interes na nagdulot ng demoralisasyon at pagkakawatak-watak sa PIA.
“In his regular regional visits and provincial sorties, even at the height of the pandemic, resources of regional offices were exploited as he would require the regions to provide for extravagant and irregular expenditures for hotel accommodations, vehicle rentals, and even for drinks, liquors, cigarettes and freebies,” sabi sa liham na may kopya ang HATAW D’yaryo ng Bayan.
Ikinukubli anila ni Cualoping ang kanyang kuwestiyonableng aktibidad bilang official business ngunit sa realidad ay “personal tours, and trips festooned with splurges, extravagant and wasteful expenditures for personal gains and agenda.”
Wala anilang maipagmamalaking konkretong accomplishments si Cualoping na naiambag bilang kanilang PIA Director-General sa nakalipas na mahigit dalawang taon.
Ang kanyang proyektong #ExplainExplainExplain ay isa lamang hashtag para sa communication channels at platform na hindi naman bago dahil matagal na itong ginagamit ng PIA .
Mahilig din anilang manlinlang at mang-agaw ng kredito si Cualoping.
Iginiit sa petisyon, nahaharap ngayon ang PIA sa P52-milyong disallowance resulta ng isinagawang special audit ng Commission on Audit (COA) sa kawanihan.
“The agency is also being challenged by a P206-M discrepancies in financial books for Plant Property Equipment.”
May isa anilang insidente na walang pambayad si Cualoping sa tinuluyang hotel kaya inutusan niya ang PIA regional office na ayusin ang kanyang bill.
Ang asal ni Cualoping ay hindi angkop para sa isang public official at nakasisira sa imahen ng PIA.
Umaasa ang mga opisyal at mga empleyado ng kawanihan na magtatalaga si Marcos, Jr., ng kapalit ni Cualoping na magbibigay karangalan, hindi kahihiyan sa PIA.