ANG anak ni Senate President Tito Sotto na si Lala Sotto-Antonio ang bagong nadagdag sa mga bagong appointees ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kahapon nanumpa si Sotto-Antonio bilang bagong chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Bago ito’y naibalita namin noong July 6 na ang beteranong aktor na si Johnny Revilla ang na-appoint bilang bagong chairman ng MTRCB. Nanumpa pala si Revilla bilang board member at hindi bilang chairman.
Samantala, ibinahagi ni Lala sa kanyang social media accounts ang ilang litrato matapos ang oathtaking sa Palasyo ng Malacañang.
Si Sotto-Antonio ang pumalit sa dating chairman of the board na si Atty. Jeremiah Jaro.
“Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pagtatalaga sa akin bilang kinatawan o chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board,” ani Lala sa kanyang speech.
Bago ang appointment sa MTRCB, nagsilbi muna si Lala bilang Quezon City councilor sa loob ng 18 taon.
At noong Mayo 9 tumakbo si Lala bilang second nominee ng AGAP Party-list (representante ng mga magsasaka) ngunit isang puwesto lamang ang nakuha nila para sa 19th Congress.
“Thanking the President for the trust and confidence. I believe she will do well given her background.
“Besides, she has two excellent women former chairpersons to emulate, Sen. Grace Poe and Congresswoman Rachel Arenas,” mensahe naman ni Tito Sen. (MVN)