UMAGA pa lang kahapon, July 5 umugong na ang balitang pinalitan na si Liza Dino Seguerra bilang Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair ito’y sa kabila ng reappointment sa kanya ni for three years ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago ito bumaba sa kanyang puwesto.
Pero July 4 pa lang sinasabing kumalat na ang balitang papalitan si Liza sa FDCP.
Nakompirma pa ang balitang ito nang mag-post ang veteran director na si Joey Reyes sa kanyang Facebookaccount ng, “CONGRATULATIONS TO THE NEW CHAIRMAN.
“May the coming years bring a truly meaningful and significant advancement to an industry that needs reassessment, revitalizing and reinventing.
“It is not about anybody. It is about EVERYBODY IN THE BUSINESS.”
Nag-post din kahapon si Senator Jinggoy Ejercito Estrada na ang aktor na si Tirso Cruz III ang hahalili kay Dino bilang chairperson ng FDCP.
At bandang 3:00 p.m. kahapon, nakompirma ang panunumpa ni Pip sa Malacañang bilang bagong FDCP Chair.
Sinilip namin kahapon ang FB account ni Chair Liza at ang huling post niya ay ukol sa pagsali ng Filipino film na Leonor Will Never Die ni Martika Ramirez Escobar, sa 56th Karlovy Vary International Film Festival sa Czech Republic.
Taong 2010 napabalita nang uupo bilang chairman ng FDCP si Tirso bilang kapalit ni Jackie Atienza. Subalit hindi iyon natuloy bagkus ang naupong chairman ay si Briccio Santos.
Samantala, ang beteranong aktor na si Johnny Revilla naman ang na-appoint bilang bagong chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). (MVN)