PATAY ang isang caretaker nang barilin ng dalawang armadong lalaking magkaangkas sa motorsiklo sa bayan ng Jaen, lalawigan ng Nueva Ecijia, nitong Linggo, 3 Hulyo.
Sa ulat mula sa Jaen MPS, kinilala ang biktimang si Russel Marcelo, noo’y pauwi sa kanilang bahay galing sa inuman nang tambangan ng hindi kilalang mga suspek.
Matapos ang pamamaril, nabatid na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo at sentro ngayon ng pagtugis ng mga tauhan ng Jaen MPS.
Ayon sa residenteng si Ely Catalan, wala silang alam na may mangyayari sa biktima at hindi nila alam na mayroon itong kagalit maging sa kanilang lugar.
Sinabi ng mga awtoridad na hindi pa malinaw ang motibo sa likod ng krimen dahil ang biktima ay hindi nakatanggap ng ano mang pagbabanta sa buhay.
Nitong nakaraang 20 Hunyo, isang barangay kagawad sa naturang bayan ang malubhang nasugatan matapos barilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo samantala noong Nobyembre ng nakaraang taon, napatay rin ang kapitan ng Brgy. Lambakin.
Dahil sa sunod-sunod na krimeng kagagawan ng riding-in-tandem, nabahala si Jaen Mayor Sylvia Austria kaya nanawagan sa pulisya na higpitan ang pagbabantay laban sa mga posibleng riding-in-tandem gunmen upang maiwasang maulit pa ang katulad na insidente. (MICKA BAUTISTA)