FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
ITINAKDA ngayong araw ang inurnment ni dating Camarines Sur Rep. Rolando “Nonoy” Andaya, Jr., sa St. Therese Columbarium sa Pasay City. Ililibing siya sa parehong araw na ang kanyang maybahay na si Marissa (humalili sa kanyang puwesto sa Kamara), ay pumanaw dahil sa cancer dalawang taon na ang nakalipas.
Matalino at may malawak na karanasan, kinuha ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang serbisyo ni Andaya, noon ay nasa ikatlong termino sa Kamara, upang maging budget secretary nito noong 2006. Naglingkod siya sa posisyong iyon hanggang sa pagtatapos ng termino ni Arroyo noong 2010, na buong pagmamalaking sinabi na namana ni Andaya ang katalinohan ng kanyang amang si Rolly Andaya sa larangan ng pagbabalanse ng budget para sa parehong administrasyon nina Cory Aquino at Fidel Ramos.
Ang buong bansa, lalo ang mga kaibigang lubos na nakakakilala sa kanya at ang mga Bicolano na buong tapat niyang pinaglingkuran, ay labis na nabigla sa napaulat na dahilan ng kanyang biglaan at marahas na kamatayan.
Kung totoo mang kinitil ni Nonoy Andaya ang sarili niyang buhay, gaya ng suspetsa ng mga pulis na nag-iimbestiga sa kanyang pagkamatay, pangalawa na siyang opisyal sa Gabinete ni PGMA na nagpatiwakal. Ang una ay ang dating defense secretary, si Angelo Reyes – isang respetado at ilang beses pinarangalang military general.
Kung tutuntunin ang dalawang insidente, kinitil nila ang sariling buhay sa magkaibang dahilan. Iniimbestigahan noon ng Senado at tampok sa mga ulat ng media si Angie Reyes dahil sa mga alegasyon ng korupsiyon bilang kalihim ng Department of National Defense. May mga bagay talagang hindi na kinakaya ng emosyon ng tao.
Pagkatapos ng kanyang hindi malilimutang “Spice Boys” days sa Kamara, nasangkot din sa mga kontrobersiya si Andaya. Bilang budget secretary ni PGMA, kinasuhan siya ng plunder sa ilalim ng administrasyon ni PNoy Aquino dahil sa umano’y maanomalyang paggastos sa Malampaya gas fund. At sa rehimeng Duterte naman, sinampahan si Andaya ng maraming bilang ng kasong graft at malversation kasama ang – sa lahat naman ng taong makakasama sa kontrobersiya – public fund scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Subalit ang pagpanaw ng kanyang maybahay sa cancer noong 2020 at ang muli niyang pagkabigo – ang una ay noong 2019 – na mahalal na gobernador ng Camarines Sur noong Mayo ay mistulang hindi na niya kinaya pa. Anuman ang tunay na dahilan ng kanyang pagpanaw, hangad natin ang tunay na kapayapaan at kapahingahan ng kanyang kaluluwa.
* * *
Sa isang nakakagulat na development, naniniwala ang National Bureau of Investigation (NBI) na may intensiyong kriminal sa pagpanaw ng ilang bilanggo sa New Bilibid Prison, kaya naman 22 tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) – kabilang ang mga doktor na nakatalaga sa Munti – ang pinahaharap nito sa korte.
Pinuri ni dating senador Leila de Lima ang nangyaring ito, partikular na dahil ang isa sa mga kinukuwestiyong pagkamatay ay ang kay Jaybee Sebastian, na iginigiit ng dating mambabatas na nagbitaw ng maling akusasyon sa kanya sa mga kaso ng ilegal na droga na isinampa laban sa kanya ng administrasyong Duterte.
Ang nakapagtataka lang sa imbestigasyong ito ng NBI sa misteryosong pagkamatay sa loob ng pambansang piitan, paanong wala kahit isang opisyal o tauhan ng Bureau of Corrections na napabilang sa mga kinasuhan. Kung totoong nagkaroon ng sabwatan upang pagtakpan ang pamamaslang sa mga persons deprived of liberty (PDLs), paanong walang kinalaman dito ang BuCor? Dapat lang na muling silipin at imbestigahan ang anggulong ito.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.