KAHIT natalo sa 2022 presidential elections ang kanyang manok, nakasungkit ng posisyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang campaign media bureau chief ni dating Manila mayor at presidential bet Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Nabatid sa inilabas na memorandum ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles kahapon, inirekomenda niya si Raymond Burgos bilang bagong pinuno ng News and Information Bureau (NIB), isang attached agency ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Si Burgos ay sinabing nagsilbing campaign media bureau chief ni Domagoso sa nakaraang 2022 presidential elections.
Pinalitan niya si Virginia Arcilla-Agtay bilang NIB chief.
Si Agtay ay dating Davao City-based journalist at kilalang malapit kay Vice President Sara Duterte.
Bago inilabas ang memorandum ni Angeles, napabalitang sumulpot sa tanggapan ng NIB si Burgos nitong nakaraang Biyernes ng umaga, 1 Hulyo 2022, at kagyat na nagbigay ng mga direktiba kahit wala pang hawak na dokumento na siya na ang bagong NIB chief.
Nang may kumuwestiyon sa legalidad ng kanyang inasta ay nilisan ni Burgos ang NIB office.
Batay sa Executive Order 292 Chapter 10 Section 47, ang posisyon gaya ng NIB chief o Director level ay dapat italaga ng Pangulo ng Filipinas.
Matatandaan, inakusahan ni dating Sen. Antonio Trillanes si Domagoso bilang nagpapanggap na oposisyon nang tumakbo bilang presidential bet pero ang totoo umano ay idolo ang diktador, Ferdinand E. Marcos, Sr. (ROSE NOVENARIO)