RATED R
ni Rommel Gonzales
BIDA si Andrea Torres ngayong 2022 sa international movie na Pasional na gaganap siya bilang isang dancer.
Una na rito ay ginawa ni Andrea ang Cambodian film na Fight For Love noong 2016.
Kumusta magtrabahong muli sa isang international movie? Ano ang malaking kaibahan ng isang foreign production sa isang local production?
“I feel incredibly blessed with the projects I’m given since last year. Talaga pong more than what I prayed for and imagined.
“Napakaganda po ng experience ko with them. Sobra po nila kong inalagaan on and off cam. Before leaving po they asked me for a list of things that I need to make me comfortable at work. They also provided a trailer for me.
“Nakatutuwa po complete po siya with bed, bathroom, mini-kitchen, sofa.
“It also didn’t take time for us to bond. Preparations pa lang po palagay na ang loob namin sa isa’t isa. Ang ganda ng communication namin kahit na magkaiba kami ng language.
“Nag-heart-to-heart talk po kami ng director ko bago mag-roll and we were pleasantly surprised that we had the same interpretation sa character ko at sa story.
“I gave my full trust in him. Sinabi ko talaga sa sarili ko magiging bukas ako sa lahat kasi alam kong maaaring may differences tayo sa paraan ng paggawa ng material.
“Kung dito po ay heavy drama tayo at babad ang movements, doon po ang madalas na request sa akin ay ‘no tears’ and quick movements. So may adjustments po talaga.
“Pero ako po kasi I make sure I always talk to my director.
“Kinaklaro ko po lagi saan nanggagaling at ano ang vision niya for the scene especially this one kasi siya rin ang nagsulat ng ‘Pasional.’
“Nagkaroon po ako ng realization na, ‘Ay puwede rin yung ganito naman na atake!’
“Maganda rin siya. Na-appreciate ko siya. So pakiramdam ko po nag-grow ako bilang artista, na naka-discover ako ng panibagong atake kumbaga,” ang mahabang pahayag ni Andrea sa pamamagitan ng mga sagot niya sa mga katanungan namin via e-mail noong June 24.
Ipinakuwento naman sa sexy Sparkle artists ang plot ng Pasional, at kung ano ang experience niya working with foreign actors and production team?
“It’s a love story that happened in the most unexpected situation. ‘Di mo iisipin na puwede silang ma-fall sa isa’t isa pero iyon ‘yung beauty niyong film kasi kasama ‘yung audience sa journey, kung paano sila mapapalapit sa isa’t isa.
“Nakatutuwa rin kasi may mga eksena na papalit-palit ang English and Spanish sila sa conversation.”
Ang mga banyagang nakatrabaho ni Andrea sa Pasional ay ang kanilang assistant director na si Nicolas Cacciavillani;, ang director of photography na si Gio Croatto; ang kanilang direktor na si Francisco D’Intino; at ang producers na si Luciano Croatto, Agustin Clerico ng Malevo Films of Argentina at ang Filipino independent producer na si Noel Maximo; co-producer din nila siyempre ang GMA Films.