“WALA tayong kapangyarihan sa ating mga sarili, maliban sa tiwala na ipinagkaloob sa atin ng ating mga kababayan. Palitan natin ng serbisyo publiko ang kapangyarihan na ipinagkatiwala sa atin.”
Ito ang mensahe ni Gobernador Daniel Fernando para sa kanyang sarili at sa kanyang mga kapwa lingkod bayan sa panunumpa para sa kanyang ikalawang termino bilang ika-35 Gobernador ng Lalawigan ng Bulacan sa ginanap na “Pasinaya at Pagtatalaga sa Tungkulin ng Lahat ng Bagong Halal na Opisyal sa Lalawigan ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium, sa lungsod ng Malolos, nitong Lunes, 27 Hunyo.
Sinabi ni Fernando, hindi niya pinangarap o plinano na maging dakilang anak ng lalawigan ngunit tinatanggap niya ito nang buong pagpapakumbaba.
“Sadyang mahiwaga ang kalooban ng Dakilang Lumikha. Tayo ay patuloy na namamangha sa gawa ng kanyang mga kamay. Paano nga bang ang isang ordinaryong tao na artista lamang kung turingan ay nabigyan ng karangalang manungkulan bilang ika-35 Gobernador sa mahigit 400 taong kasaysayan ng dakilang Lalawigan ng Bulacan?” aniya.
Binalikan din niya ang mga pangyayari sa nakalipas na tatlong taon at inalala ang mga pagsubok na kinailangan niyang malagpasan ilang buwan matapos niyang simulan ang kanyang unang termino.
“Ang nagdaang tatlong taon ay puno ng pagsubok at pighati. Hindi lamang para sa inyong lingkod kundi sa buong daigdig. Hindi madaling magsimula ang isang lider lalo sa gitna ng pandemya, ang pinakamatinding krisis ng ating panahon,” anang gobernador.
Para sa hinaharap, sinabi niyang akma ang kanyang mga balakin para sa kinabukasan sa mga plano ni halal na Pangulo Ferdinand Marcos, Jr., lalo ang patungkol sa agrikultura, impraestruktura, at hanapbuhay.
Sa huli, nanawagan si Fernando sa kanyang mga kapwa opisyal ng gobyerno na magkaisa para sa lalong ikauunlad ng lalawigan at ng bansa.
“Mga kapwa lingkod bayan, gamitin natin nang mahusay ang pagkakataong ito. Ituon nawa natin ang lahat ng pagsisikap upang maitawid ang sambayanang minamahal mula sa kawalan patungo sa daloy ng oportunidad sa kabuhayan,” anang gobernador na nasa kanyang ikalawang termino.
Sa kabilang banda, pinuri ni dating Gobernador Roberto Pagdanganan ang mabilis na pagresponde ni Fernando laban sa pandemyang COVID-19.
“Tunay na inilapit ni Governor Daniel ang pamahalaan sa ating mga kababayan. Iyan ang maririnig mo kahit saan ka magpunta. Madaling lapitan at tunay na inilapit ang pamahalaan sa bayan. ‘Yan si Governor Daniel,” anang dating gobernador.
Samantala, kabilang sa iba pang lingkod bayan na nanumpa kahapon sina Bise Gobernador Alexis Castro, mga Bokal, mga Kinatawan, mga Punong Bayan at Lungsod, mga Pangalawang Punong Bayan ng Lungsod, at mga Konsehal. (MICKA BAUTISTA)