NASAMSAM ang mahigit sa P1.1-milyong halaga ng ilegal na droga habang nadakip ang 413 law offenders sa inilunsad na isang linggong Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Unit (SACLEO) ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Lunes, 27 Hunyo.
Batay sa ulat na isinumite kay P/Col. Charlie Cabradilla, inaresto ang 125 indibidwal sa serye ng anti-drug bust na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bulacan PPO.
Nasamsam mula sa mga suspek ang ang 430 pakete ng hinihinalang shabu at 21 pakete ng tuyong dahon ng marijuana, may Dangerous Drug Board (DDB) value na P1,189,565.6o; sari-saring drug paraphernalia; at buy bust money.
Gayondin, nasukol ang 184 sugarol sa iba’t ibang anti-illegal gambling operations na naaktohan sa mga pasugal na tong-its, pusoy, bet game, billiard games, cara y cruz, mah-jong at STL bookies.
Nakompiska mula sa mga suspek ang iba’t ibang gambling paraphernalia at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Samantala, naaresto ang pitong personalidad na may mga kasong kriminal sa ipinatupad na search warrant operations habang nadakip ang 97 kataong pinaghahanap ng batas kabilang ang walong most wanted ng tracker teams ng iba’t ibang police stations sa lalawigan gayondin ng mga elemento mula sa Mobile Force Companies ng Police Provincial Office, 301st MC RMFB-3, Bulacan PHPT, 24th Special Action Company (SAF), 3rd SOU-Maritime Group, at CIDG Bulacan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang lahat ng arestadong suspek ng kani-kanilang arresting unit at police stations para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)