AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MARAMING magulang ang nagnanais na sana ay matuloy ang 100 porsiyentong face-to-face classes para sa school year 2022-2023. Isa lang ang nakikita kung bakit gusto ng mga magulang ang face-to-face classes…mas marami pa rin daw matutuhan ang mga bata kapag kaharap mismo nila nang personal ang kanilang mga guro kaysa online classes o module style.
Siyempre, bukod pa sa rason ng mga magulang na maging sila ay tila nagbalik eskuwelahan sa pagtuturo sa kani-kanilang mga anak. At isa pang dahilan sa pagnanais na maging F2F ang klase, para sa kalusugan ng mga bata. Sa loob kasi ng dalawang taon online classes, maraming mag-aaral ang nagtabaan o masasabing pumasok na antas na juvenile obese.
Paano kasi laging nakaupo at nakaharap sa computer nang mahabang oras sa loob ng isang araw. Kaya, wala nang ehersisyo. Hindi tulad sa school na maaaring maglalakad-lakad ang mga mag-aaral kapag break time o sa pagpasok sa school at maging sa pag-uwi.
Matatandaan, inianunsiyo ng Department of Education (DepEd) na target ng ahensya ang 100% face-to-face classes para sa academic year 2022-2023.
Ang tanong diyan… gusto ba ninyo talagang matuloy ang face-to-face classes sa kabila ng pandemya. Siyempre naman, tutal ay malaki na ang ibinaba ng kaso ng COVID 19. Bukod sa hindi naman siguro magsassabi ng kanilang balakin ang DepEd kung hindi nila ito makakaya o kung hindi ito ubra.
Lamang, ang pagsasabi ng DepEd sa plano o pangarap nila ay noong masasabing talagang bumaba na ang kaso ng COVID o halos wala nang nadadalang pasyente sa pagamutan pero biglang naiba na naman ang panahon.
Medyo sumisipag na naman sa paggala si COVID at unti-unting tumataas ang bilang ng nahahawaan ng virus sanhi ng bagong sub-variant na nagmula sa omicron. Oo nga at mild lang ang epekto ng sub variant pero sinasabing madaling makahawa ito.
Pero sabi ng DOH, madali lang naman kaharapin ang sub variant na ito…ito ay sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Oo, base kasi sa pag-obserba, ang nagiging isa sa dahilan ng muling pagtaas ng kaso ng COVID ay dahil pa rin sa katigasan ng ulo ng marami-rami pa rin kababayan natin na ayaw magpabakuna – sila ngayon ang halos nagiging carrier at nakapanghahawa.
Bukod dito, sadyang kinalimutan ng marami ang pagsusuot ng face mask lalo a mga lugar na maituturing na poor ventilated. Inakala kasi nila na normal na ang lahat dahil sa malaking pagbaba ng kaso ng COVID.
Heto nga ang bad news ng DOH, tumaas daw sa moderate risk ang National Capital Region (NCR) – apat na lungsod ang sinasabing kabilang sa nabanggit na status, ito ay ang mga lungsod ng Quezon, Marikina, Pasig, San Juan, at ang bayan ng Pateros. Naku po, ibig bang sabihin nito ay maraming matitigas ang ulo sa mga nasabing lugar?
Pero paano kaya nangyari iyon, samantala, maraming residente sa mga nabanggit na lugar ang nakapagbakuna na at iilan lang ang hindi? Iyon na nga e, ang iilan na hindi nakapagbakuna ay…iyan iyong mga manghahawa. Sorry to tell this…oo, sila ang maaaring dahilan ng paglobo ng kaso.
Ang klasipikasyon na moderate risk ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay batay sa dalawang linggong growth rate ng mga lungsod, average daily attack rate (ADAR), at kapasidad ng kanilang health system.
“Ang kanilang growth rate ay lumalagpas ng 200 percent dahil nanggagaling sa mababang numero, biglang nagkaroon ng kaso, kaya tumaas ang growth rate,” ani Vergeire.
Sinabi ni Vergeire, ang mga lugar na nasa ilalim ng moderate risk ay maaaring ilagay sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 2. Ganoon ba? Pero anang opisyal, base sa data ay hindi naman nangangailangan ng mahigpit na quarantine restriction dahil mababa pa ang bilang ng COVID patients na nadadala sa mga ospital.
Nasa ilalim ng Alert Level 1 ang Metro Manila at iba pang lugar, ang pinakamaluwag sa five-tier alert level sa bansa, hanggang sa katapusan ng buwan.
“For now, escalation to Alert Level 2 hindi pa natin nakikita. Although we cannot say by next week biglang nagtaasan. That’s the time we are going to decide and that’s going to be IATF to decide,” ani Vergeire.
Isa nga sa nakikita pang dahilan ng paunti-unting kaso ay ang humihinang immunity ng populasyon at hindi na pagsunod sa public health standards ng mga mamamayan.
Humihinang immunity? Ibig sabihin, kinakailangan ng second booster, e kaso nililimitahan pa ang binibigyan nito samantala marami na ang gustong magpaturok ng second booster.
Buksan na kasi ang pagturok ng second booster sa lahat ng kategorya at hindi lang para sa mga may sakit. Huwag nang hintayin pang lumala ang kaso o hintayin ang magiging resulta ng buwan ng Hulyo para buksan ang second booster sa lahat.
“Marami tayong factors lagi that will contribute to the increase in number of cases. Tama kayo, kasama na riyan ‘yung pagpasok ng sub variants ng omicron sa ating bansa, which, based on evidence, is more transmissible. Kasama na rin diyan… ‘yung compliance sa minimum health standards,” ani Vergeire.
Bagamat sa kabila naman ng lahat, ani Vergeire, karamihan sa admission ng mga pagamutan ay mild at asymptomatic samantala hindi naman “significant” ang mga severe cases.
Sa sitwasyon ngayon ay maituturing na good news pa rin dahil hindi pa ganoon kalala ang kaso pero, bad news pa rin dahil nga sa nagsisimula nang tumaas ang kaso…katunayan ang sabi nga ni DOH Sec. Francisco Duque, nakikita nila sa katapusan ng Hulyo ay maaaring tumaas ang kaso hanggang 2,000 kada araw sa Metro Manila.
Hihintayin pa ba nating mangyari ang estimated cases para sa buwan ng Hulyo? Huwag na mga kababayan para hindi na itaas ang alert level 2 o mas mataas pa ang Metro Manila, kung hindi tayong lahat ang naapektohan nito.
Ang solusyon ay gawin natin ang ating bahagi habang gagawin o ginagawa ng pamahalaan ang kanilang bahagi.
E di ba gusto na naman matuloy ang full face-to- face classes para sa mga tsikiting natin o mga mag-aaral! Aba’y simple lang ang dapat natin gawin, sumunod tayo sa protocols tulad ng ginawa nating pagsunod noong unang implementasyon nito para patayin ang estimated na 2,000 kada araw na panibagong kaso.
Ang solusyon sa problema ay hindi lang sa gobyerno manggagaling kung hindi sa atin din. Oo, tayong mamamayan ay nararapat na makiisa sa pagsugpo o pagpapahina sa pagkalat ng virus. Kung nagawa natin noong kasagsagan ng virus, walang dahilan para hindi natin magawa ulit ito para matuloy na ang face-to-face classes sa Agosto o Setyembre ng mga mag-aaral. Ibang ibang pa rin ang F2F classes kaysa online at module.
Let’s DO(H) it! ‘Ika nga noon ni yumaong DOH Sec. Juan Flavier.