SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI nakilala nang personal ni Cesar Montano si dating Pangulong Ferdinand Marcos kaya naman laking panghihinayang niya dahil hindi niya ito matatanong ukol sa gagampanan niyang karakter sa Maid in Malacanangng Viva Films.
Sa digital media conference na isinagawa noong Biyernes hindi ikinaila ni Cesar ang saya nang kunin siya para makasama sa isang family dramedy movie na tatalakay sa last 72 hours sa Malacanang ng Marcos family noong 1986 EDSA People Power Revolution
Sinabi pa ni Cesar na ni sa panaginip ay hindi niya inakalang gaganap siyang Macoy.
Bale ang Maid in Malacanang ang pagbabalik-pelikula ni Cesar at una rin nilang pagsasama ng kanyang anak na si Diego Loyzaga. Si Diego naman ang gaganap na Bongbong Marcos.
“It is a great blessing. Napakasaya ko, I’m so excited to work with my son,” pagtatapat ni Cesar. “Finally, magkakatrabaho na kaming dalawa,” sambit pa ng aktor. Magsisimula pa lang ang shooting ng Maid in Malacanang pero may playdate na ito sa July 20 na bukod sa mag-amang Cesar at Diego kasama rin sina Ruffa Gutierrez na gaganap bilang si First Lady Imelda Marcos, Cristine Reyes at Ella Cruz na gaganap naman bilang mga anak na sina Imee at Irene. Kasama rin sa pelikula sina Karla Estrada, Elizabeth Oropesa, at Beverly Salviejo. Si Darryl Yap naman ang magdidirehe ng pelikula.