SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DINAGSA ng mga kapamilya at mga kaibigan ang red carpet premiere ng Ngayon Kaya nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez noong Martes ng gabi sa SM Megamall. At bagamat may pandemic pa, marami ring fans ang sumugod para personal na makita ang kanilang idolo at para makapanood ng pelikula.
Nakita namin na dumalo sa premiere night sina Jake Cuenca, Enchong Dee, Edward Barber, Jake Ejercito, Ria Atayde, director JP Habac, photographer BJ Pascual, Film Development Council of the Philippines Chair Liza Diño, kasama si Ice Seguerra. Sinuportahan din si Janine ng kanyang tatay na si Ramon Christopher.
Inamin ni Paulo na masayang malungkot siya sa premiere night ng kanilang pelikula.
“I’m out of words. It’s been a while since I attended a premiere in a moviehouse. Masaya ako na nandito kayo at masaya ako na may pelikulang Pilipino ulit na ipinalalabad sa sinehan,” ani Paulo.
Nagpasalamat naman si Janine sa lahat ng mga umatend. “Thank you so much sa naglaan ng oras. It means so much to us.”
Bago ang screening napansin naming hindi lang mga Gen Z o millennial ang fans nina Paulo at Janine. Nakita naming marami rin palang mga nanay silang fans na talaga namang nakipagsiksikan at nakikipag-unahang makasagot sa pa-games para mabigyan sila ng libreng tiket at makapanood.
Samantala, tiyak na maraming makare-relate sa kuwento ng Ngayon Kaya lalo na ‘yung mga naguguluhan at hindi pa rin makapag-decide kung totropahin o jojowain ang isang kaibigan.
Kahit sina Paulo at Janine, inaming naka- relate sila sa mga karakter bilang Harold at PM.
“Parang ako ‘yun. Parang ako siya, eh. Kumbaga, buong buhay ko, hindi naman ako masyadong nagsasalita. Computer lang ang inaatupag ko.
“So, pagdating sa pag-ibig or sa crush mo, parang ano ka lagi, parang idinadaan mo lang lagi sa friendship dahil hindi mo alam kung may pag-asa ka o hindi. Ayun, at wala ka ring perang pam-vape,” anang aktor.
“Gusto kong pinanonood ‘yung mga ganitong klaseng kuwento. Kasi after, parang napapaisip ka sa sarili mong buhay kung ano pa ba ‘yung mga dapat mong sabihin na hindi mo nasabi.
“Or parang it serves as a reminder na huwag mong masyadong ipagpabukas ‘yung mga kailangan kong sabihin. Lalo na last two years, natutunan nating lahat na hindi sigurado kung ano ang mangyayari bukas.
“So, I like how it works as a vehicle to parang look at yourself and your own life, at ‘yung mga mahal mo sa buhay,” sabi pa ni Janine.
Palabas na ang Ngayon Kaya na handog ng T-Rex Entertainment WASD Films. Ang Ngayon Kaya ang unang locally-produced film na may theatrical release ngayon taon sa 100 cinemas all over the Philippines.
Kasama rin sa pelikula sina Rio Locsin, John James Uy, at Donna Cariaga, Alwin Uytingco. Mula naman ito sa direksiyon ni Prime Cruz at isinulat ni Jen Chuaunsu.