Saturday , November 23 2024
Ramon Cualoping PIA

Gusali tinadtad ng BBM tarps
PIA CHIEF, KAPIT-TUKO SA PUWESTO

MATINDI pa sa pagkit kung mangunyapit sa puwesto si Philippine Information Agency (PIA) Director-General Ramon Cualoping.

Sa hangarin umanong manatili sa puwesto at ipakita ang kanyang ‘loyalty’ kay president-elect Ferdinand Marcos, Jr., tinadtad ni Cualoping ng mga tarpaulin na “Mabuhay PBBM!” ang loob at labas ng gusali ng PIA sa Visayas Ave., Quezon City para makita ng transition committee na bumisita sa ahensiya kamakailan.

Ayon sa source, gumamit umano ng mga padrino si Cualoping para ‘ibulong’ sa kampo ni Marcos Jr. ang hangarin niyang manatili bilang pinuno ng PIA.

Kung ganito kapursigido si Cualoping na hindi maalis sa puwesto, kabaliktaran naman ang nararamdaman umano ng mga kawani ng PIA na atat na atat na mawala na siya sa ahensiya.

Inihalimbawa ng source na ikinainis umano ng mga kawani kay Cualoping nang ginawa niyang bahay ang kanyang tanggapan sa ikatlong palapag ng PIA building.

“Ikinarga na niya sa gobyerno ang pamumuhay niya, koryente, tubig, pagkain, transportasyon, at maging ang gastos sa kanyang pagliliwaliw, kasama ang hotel expenses pati pag-inom ng alak. Nakaaawa na ang PIA sa kanya,” naiiling na sabi ng source.

Kamakailan ay napaulat na sinampahan ng kasong estafa si Cualoping dahil hindi niya nabayaran ang P2.9 milyong kontrata para sa proyektong “Rehabinasyon” noong 2018 habang siya’y Assistant Secretary sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Kasama ni Cualoping sa asunto sina Karl Louie Fajardo, Mary Joy Javines, at Luz Cabrera at ang dating tauhan na si Sharmaine Atienza.

Base sa affidavit ng complainant na si Karl Ipong, lumagda sina Cualoping at Fajardo sa kontrata sa kanilang kompanya para magpagawa ng T-shirt, polo shirt, jacket at sari-saring give-aways sa proyekto ni Cualoping na “Rehabinasyon” na ginanap sa Davao noong 2018.

Ang “Rehabinasyon” ay isa sa mga programa kaugnay sa isinulong na drug war ng administrasyong Duterte na pinondohan ng Philippine Drug Enforcement Agency – Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (PDEA-ICAD) trust fund.

Minadali umano ni Cualoping ang pagde-deliver ng commodities kahit walang tamang procurement sa PCOO dahil isusuot ang mga iyon nina Pangulong Rodrigo Duterte at noo’y Special Assistant to the President (SAP) at ngayo’y Sen. Christopher “Bong” Go.

“Kung hindi nila ipinilit na si Pres. Duterte at si SAP Bong Go ang magsusuot, hindi sana namin minadali ang delivery. Kasi noong una, gusto namin kompleto ang dokumento. Pero sabi ni Sharmaine, kawawa ang boss n’ya (si Cualoping) kung hindi agad maide-deliver,” ayon kay Ipong sa kanyang reklamo.

Pinag-abono si Ipong ng kanyang kompanya dahil inonse siya ni Cualoping kaya’t nangutang siya ng P1.6 milyon mula sa apat na financial institutions at nakalipas ang apat na taon ay umabot na ito sa P2.9 milyon dahil sa interes.

Sa labis na stress ay naospital si Ipong sa Metropolitan Hospital sa naranasang severe anxiety attack.

Sa 2019 Annual Audit Report ng Commission on Audit  (COA), inatasan si Cualoping na magsumite ng supporting documents para sa ginugol niyang P395,481.78 mula sa PDEA-ICAD trust fund.

Kinuwestiyon din ng COA ang P2,024,328.25 ginasta ni Cualoping noong siya’y assistant secretary at chief brand integrator ng PCOO. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

arrest, posas, fingerprints

Sa Bataan
P1.7-M DROGA NASAMSAM, 2 TULAK TIKLO

DALAWANG suspek na itinuturing na high value individuals ang nasakote sa magkahiwalay na buybust operations …