ISINELDA ang isang lalaki matapos nakawin ang mountain bike ng kanyang kalugar, ngunit hindi na nabawi, sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 308, RPC (Theft) ang naarestong suspek na kinilalang si Christopher Reyes, 30 anyos, residente sa Santiago Comp., Sitio Sto. Niño, Brgy. NBBS Proper, Navotas City.
Sa pahayag ng biktimang si Jusie Pateño, 34 anyos, welder, kay PCpl Florencio Nalus, may hawak ng kaso, dakong 4:00 pm nang makita niya ang suspek, sakay ng kanyang bisikleta at nagmamadaling tumakas patungong R-10.
Hinabol ng biktima ang suspek ngunit hindi niya ito naabutan kaya’t nagtungo siya sa Navotas Police Sub-Station 4 saka ini-report ang pangyayari.
Kaagad inatasan ni SS4 commander P/Lt. Melody Manlubatan sina P/SSgt. Raymond Candinato, P/SSgt. Dennia Daza, at Pat Benedict Mangada na magsagawa ng follow-up operation, kasama ang biktima.
Habang nagsasagawa ng mobile patrol, positibong itinuro ng biktima sa mga pulis ang suspek habang nakatayo sa kanilang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Reyes ngunit hindi na nabawi ang Racer Aluminum Frame Mountain Bike ni Pateño na nasa P14,000 ang halaga. (ROMMEL SALES)