HULI ang isang mangingisda at kalive-in nitong vendor na sideline umano ang pagbebenta ng shabu matapos malambat sa isinagawang buy- bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Ramil Canes alyas Lito, 34 anyos na isang mangingisda, at nakalista bilang pusher at syota nitong si Jocelyn Rosales, 24 anyos, na isang vendor, kapwa ng residente ng Bagong Silang St., Brgy. San Jose ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat na nakalap sa tanggapan ni Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging, dakong 11:25 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo ng buy- bust operation sa Bagong Silang St., Brgy. San Jose.
Sa tulong ng isang regular confidential informant (rci) ay nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ng P300 halaga ng shabu sa mga suspek.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba at narekober sa kanila ang humigi’t kumukang 7.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) Php 51,000.00 at buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)