TINATAYANG dalawang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakompiska sa isang rider sa isinagawang Oplan Sita ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng madaling araw.
Arestado sa maikling habulan ang suspek na kinilalang si Chester Fortades, 30 anyos, residente sa Barangay Baesa matapos makorner ng pulisya sa maikling habulan dakong 12:35 am sa kahabaan ng North Diversion Road (NDR), Barangay 151, sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ulysses Cruz, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Sub-Station 5 sa naturang lugar nang mamataan nila ang suspek na nagmamaneho ng itim na Yamaha Mio motorcycle, walang suot na helmet.
Nang parahin ng mga pulis ang suspek, sinubukan nitong tumakas ngunit agad din nasakote makaraan ang maikling habulan.
Nang suriin ang compartment ng kanyang motorsiklo, tumambad sa mga pulis ang dalawang piraso ng transparent plastic sealed brick na pinaniniwalaang pinatuyong dahon ng marijuana na ibinalot sa tela sa loob ng isang paper bag na tinatayang nagkakahalaga ng P240, 000.
Imbes, simpleng paglabag sa batas trapiko dahil sa hindi pagsusuot ng helmet, kalaboso at nahaharap sa mabigat na kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang rider. (ROMMEL SALES)