MA at PA
ni Rommel Placente
BAGO nagsimula ang grand press launch ng PeliKULAYA kasabay na rin ng Pride Party bilang bahagi ng LGBTQIA+ Film Festival ay nakausap namin ang Chairperson at CEO ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na si Liza Dino. Ayon sa kanya, walang katotohanang papalitan na siya sa nasabing posisyon dahil muli siyang nare-appoint for another three years.
So, magiging abala pa rin si Chair Liza sa kanyang trabaho. Kaya ang tanong sa kanya ay paano na ang plano nila ng mister na si Ice Seguerra na magkaroon ng anak?
Ito kasi ang pahayag noon ni Liza na kapag nawala na siya sa posisyon ay ang pagbe-baby ang target nilang mag-asawa.
“Diyos ko, mag-41 na ako, paano na ‘yung baby? Wala na talaga. I mean, ayokong magsabi ng tapos, pero it’s a challenge, you know, ‘yung balancing between family and the work,” sabi ni Liza.
Kung na-reappoint si Liza, ibig sabihin ay naging maganda ang record niya sa FDCP.
“Actually, ang saya niyong na-reappoint ka pero ‘yung nakuha mo rin ‘yung magandang sentimyento ng industry, parang ‘yun ‘yung mas fulfilling sa akin kasi parang I was going through ‘yung reactions ng mga industry.
“I was receiving a lot of like, ‘congratulations, we’re so happy na magko-continue ka,’ so it’s so humbling na parang ‘oh wow, na-appreciate pala ‘yung mga ginagawa ng ahensiya,’” masayang sabi ni Liza.
Ngayong Hunyo ay ipinagdiriwang din ng FDCP ang Pride Month with PeliKULAYa: International LGBTQIA+ Film Festival in a hybrid format mula June 10 hanggang 26. May temang Pantay-Pantay, Iba’t Ibang Kulay.
Iilan sa mga pelikulang lokal ang tampok sa Pelikulaya 2022 ay ang Manila by Night (Ishmael Bernal), Ang Tatay Kong Nanay (Lino Brocka), Esoterika: Maynila (Elwood Perez), Markova: Comfort Gay (Gil Portes), at Big Night! (Jun Robles Lana).
Ka-join din ang Gameboys The Movie (Ivan Andrew Payawal), Kasal (Joselito Altarejos), Billie and Emma(Samantha Lee), Memories of Forgetting (Joselito Altarejos), Traslacion (Will Fredo), at Pink Halo-halo(Joselito Altarejos).
Mapapanood ang mga nabanggit na pelikula sa FDCP Channel ng Spectra Pelicula segment, may face to face screening din sa FDCP Cinematheque Centres (Manila, Iloilo, Davao, Negros at Nabunturan), Metropolitan Theater, at Cinema ‘76-Anonas.