PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
MASAYANG-MASAYA ang 3nity Band na binubuo nina Kevin Saribong, Gennyvi Laxamana, at Rodrigo Alvarez Jr. dahil may matatawag na silang tahanan ngayong bahagi na sila ng artists ng ARTalent Management ni Doc Arthur Cruzada.
“Actually, bago kami napunta kay Doc Art, I am the manager nitong dalawa (Kevin at Rod). Humahawak din ako ng maraming talents before ako sumalang kay Doc. But dahil friend ko siya and he offered me naman the best kasunduan that’s why I said yes. And now we’re just happy na we’re part of ARTalent Management,” rebelasyon ni Gen.
Matagal nang magkakilala sina Gen at Kevin. Nagkakasama na silang dalawa sa gigs pati sa mga hotel performances. Pero miyembro pa si Kevin dati ng Altitude 7 band. Hanggang sa maging free na si Kevin at nag-usap sila ni Gen tapos pumasok nga si Rod at nabuo ang 3nity Band.
Ayon nga kay Kevin, “Happy lang kami na nabuo itong 3nity Band. Matagal na kasi kaming magkakakilala. And blessing pa na dumating si Doc Art at naging part kami ng ARTalent.”
Nakagawa na rin sila ng original song entitled Paano na kinanta nila sa press launch ng ARTalent Management at artists contract signing.
Sino naman sa mga sikat na local na singers ang gustong maka-jamming ng 3nity?
“Si Michael Pangilinan at saka si Jay-R. Kasi ang genre ko pwede akong mag-RnB na may twist ng rock at alternative,” ani Kevin.
“Ako naman idol ko talaga ever since ang Bossa Nova Queen na si Sitti. At saka si Regine Velasquez po,” sabi ni Gen.
“Ako kasi dalawa. ‘Yung isa ‘yung pinakasikat ngayon na si Arthur Neri at saka ‘yung idol ko talaga na si Gloc-9,” wika ni Rod.