LAMAN ng sulat ang pagbabanta sa buhay na ipinadala kay Barangay Captain Angelika Dela Cruz, sa Barangay Longos, Malabon City, kasama ang apat na bala ng kalibre .45 bilang pagbabanta.
Si Dela Cruz, isang aktres, ngayon ay nanunungkulang barangay chairman sa isang barangay sa Malabon City.
“Napakarumi po talaga ng politika sa ating bansa… ‘yan po ang sulat at bala na ipinadala sa XO ng aming Barangay na nagsasabi na may apat daw na susunod at kaya may umiikot na hindi kilala sa bahay naming mag kapatid… grabe naman kayo kung sino man kayo na gumagawa nito sa amin.”
Nakasaad ito sa sulat na inilabas ni Dela Cruz sa Instagram kahapon.
Matatandaan, noong nakalipas na Linggo ay binaril at napatay ang barangay chairman na si Felimon Villanueva, 68 anyos, Barangay Chairman ng Tonsuya dahil sa pagbaliktad nito noong nakaraang eleksiyon na ikinatalo ng mayor ng nasabing lungsod.
Dahil dito, agad gumawa ng aksiyon ang pulisya at naghigpit sa lahat ng lugar na ginagalawan ng kapitana.
Batay sa ulat, hindi man lang nakaangat ang kumakandidatong mayor ng Malabon na tinalo ng isang babae, unang beses nangyari sa eleksiyon sa barangay na kinasasakupan ni Dela Cruz. (ROMMEL SALES)