SA KULUNGAN bumagsakang apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang lola na suma-sideline sa pagtitinda ng ‘bato’ ang inaresto sa magkakahiwalay na buy bust operation sa mga lungsod ng Malabon at Navotas.
Ayon sa nakalap na ulat sa opisina ni Malabon City police chief Col. Albert Barot, dakong 1:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Pampano St., Brgy. Longos, Malabon City.
Huli kaagad ang dalawang suspek na kinilalang sina Jessie Santos, 35 anyos, at Divino Paguio, alyas Ding, at isang 60-anyos lola nang tanggapin ang P500 marked money mula sa isang police na umaktong poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.
Nakompiska sa mga suspek ang aabot sa 3.5 gramo ng hinihinalang shabu, may Standard Drug Price P23,800.00 at buy bust money.
Sa Navotas City, natimbog din ang mga suspek ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU team sa ilalim ng pamumuno ni Col. Dexter Ollaging sa buy bust operation sa Judge A. Roldan, Brgy. San Roque, Navotas City.
Dakong 11:00 pm, inaresto sina Andrew Yape, 31 anyos, helper; at Sandy Abrancillo, 35 anyos, tricycle driver, kapwa (listed/pusher) matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang puseur buyer.
Nasamsam sa mga suspek ang aabot sa 10.4 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P70,720 at marked money.
Kapwa nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)