KULUNGAN ang inabot ng dalawang mister at isang misis na pawang listed drug personalities, matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa drug operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director Ulysses Cruz ang mga suspek na sina John Culasito, 26 anyos, Marshial Agna, 52 anyos na laborer at si Emely Antonio, 55 anyos na ginang, pawang residente ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 3:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU-NPD) ng monitong at validation matapos ang natanggap na ulat tungkol sa nagaganap umanong illegal drug activities sa 2nd St 4th Avenue Brgy. 118 ng lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na medium heat sealed transparent plastic sachets at apat na maliit na transparent plastic sachets na naglalaman lahat ng aabot sa 17 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P115,600 at P500 drug money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Rommel Sales)