NADISKOBRE ang shabu laboratory ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Task Force NOAH, Team Navy, PDEG at PNP Region 4A sa magkahiwalay na operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng lima katao sa lalawigan ng Cavite at pagkakakompiska ng P544 milyong halaga ng shabu kahapon ng umaga.
Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang naunang nadakip na sina Dominador Robasto Omega, Jr., at Siegfred Omega Garcia.
Base sa ulat, pasado 8:00 am nang isagawa ang operasyon sa Blk 34 Lot 14 Hyacinth St., Camella Homes, Dasmariñas, Cavite.
Nakuha mula sa mini-shabu lab ng dalawa ang 60 kilong shabu na nagkakahalaga ng P408 milyon, butane stove, cooking equipment, gallon na may lamang chemical, rectangular plastic containers na may lamang white crystalline substance, air purifier, samot-saring drug paraphernalia, cellphone at mga identification card.
Samantala naaresto sa hiwalay na operasyon sina Elaine Maningas y Calusin, Ricardo Santillan y Santiago, at Laurel Dela Rosa y Salceda.
Dakong 8:00 am din nang isagawa ang buy bust operation ng mga awtoridad sa Blk 11 Lot 1 Buenavista Townhomes, General Trias Cavite.
Nakuha mula sa tatlong suspek ang 20 kilo ng shabu na may halagang P136 milyon, 6 cellphones at ginamit na buy bust money.
Nakapiit ang mga suspek at nakatakadang sampahan ng paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN/BOY PALATINO)