Inaresto ang isang magsasaka na hinihinalang tulak makaraang mahulihan ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBrig. Gen. Remus Medina, ang suspek na si Kanda Andongan Usman, 35, magsasaka at residente ng 011 Consultant Road, Dupax St., Brgy. Matandang Balara, Quezon City.
Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga (June 01) nang maaresto ng mga tauhan ng Special Operations Unit 4B, Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group (DEG), at Station Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District (QCPD)- Batasan Police Station 6, ang suspek sa isang buy-bust operation sa kanyang tahanan.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, P1,000 buy-bust money na nakaibabaw sa boodle money, tatlong cellphone, drug paraphernalia at mga IDs.
Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Almar Danguilan)