Inanunsiyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong MIyerkules na pitong coastal waters ang positibo sa red tide sa mga lalawigan sa bansa.
Ito ay ang Bolinao sa Pangasinan; Milagros sa Masbate; Dauis sa Bohol; Tagbilaran sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; Litalit Bay sa Surigao del Norte at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Dahil dito ay binalaan ni BFAR chief information officer Nazzer Briguera ang publiko na iwasan muna ang pangunguha at pagkain ng shellfish mula sa mga nasabing lugar dahil ito ay nakakalason.
“Ang lahat po na nabanggit na lugar ay positibo sa red tide at lahat po ng uri ng shellfish tulad po ng tahong, talaba, gayundin po itong alamang mula sa mga katubigang ito ay hindi ligtas kainin dahil ito po ay nakalalason,” pahayag ni Briguera saLaging Handa public briefing.
Gayunpaman, ligtas umanong kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango basta sariwa at linisin mabuti bago iluto.
Ipinaliwanag niya na ang paralytic shellfish poison ay hindi nakakapinsala sa mga hayop, pero mapanganib ito kapag nakain ng mga tao.
“From the term itself, paralytic shellfish poison, ang tao po na nakakain ng shellfish na may red tide na tinatawag natin ay nagkakaroon ng pagka-paralisa sa kanyang pangangatawan,” ayon pa kay Briguera.
“Nagsisimula po ito sa pagkamanhid ng kanyang mukha, pananakit ng ulo. So, ito po ‘yung mga senyales na nakakain siya ng shellfish na may poison,” dagdag pa ng BFAR official. (Almar Danguilan)