SWAK sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos makuhaan ng higit P.2 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Navotas City.
Ayon kay Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging, dakong 9:15 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, kasama ang SWAT team, TMRU, San Roque Sub-Station 2 at Intelligence Section ng planned buy-bust operation sa Badeo 4 St., Brgy. San Roque.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Joselinda Tibay, alyas Pekta, 31 anyos, residente sa Brgy. 142, Caloocan City, at Frederick Reyes, alyas Angel, 30 anyos, isang factory worker, residente sa Reyes St., Brgy. Bangkulasi, matapos magbenta ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer.
Nakompiska sa suspek ang aabot sa 27 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price (SDP), P183,600 at marked money.
Dakong 11:00 pm naman nang madakma ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Badeo 5 St., Brgy. San Roque sina Joey Boy De Leon, 22 anyos, at Harold Sumbeling, 33 anyos, kapwa residente sa S. Roldan St., Brgy. Tangos South.
Nasamsam ang abot sa 6.3 grams ng hinihinalang shabu, may corresponding standard drug price (SDP) F42,840.00 at marked money.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)