NAARESTO ng mga awtoridad sa ika-anim na araw ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa lalawigan ng Bulacan ang walong tulak, 33 sugarol, at apat na most wanted persons.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nadakip sa ikinasang buy bust operations ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police stations ng Bocaue, Guiguinto, at San Rafael ang walong hinihinalang tulak ng ilegal na droga na kinilalang sina Elmor Rebucas, alyas Boyet; Junella Elizon; Jeffrey Valdesotto, alyas Berto; Rodante Nieto; Raymart Samson, alyas Lagyo; at Jayang Bautista, alyas Jayann.
Nakuha mula sa mga suspek na gagamiting ebidensiya ang kabuuang 23 pakete ng hinihinalang shabu, kalibre .45 pistola na kargado ng bala, lighter, at buy bust money na ginamit sa operasyon.
Gayondin, nasakote ang mga suspek na kinilalang sina Rogelio Gener ng Brgy. Bigte, Norzagaray; at Aries Duque, alyas Ogag ng Sapang Palay, San Jose del Monte, sa anti-illegal drug bust ng mga operatiba ng Norzagaray MPS sa Ahunin, Brgy. Bigte, Norzagaray.
Nasamsam mula sa mga suspek ang limang pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P92,072; kaha ng sigarilyo, motorsiklo; at buy bust money.
Samantala, naaresto ng mga elemento ng mga police stations ng Balagtas, Bocaue, Malolos, Marilao, at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa kanilang inilatag na anti-illegal gambling operations ang may kabuuang 33 kataong nahuling nagsusugal.
Naaktohan ang mga suspek na naglalaro ng mahjong, cara y cruz, tong-its, pusoy, bet game, at poker, at nasamsaman ng mahjong set, mesa, baraha, tatlong pirasong pisong barya na gamit sa cara y cruz, pool table, cue ball, pool chips, at perang taya.
Sa kabilang banda, nasukol ang apat na kataong malaon nang pinaghahanap ng batas sa manhunt operations na isinagawa ng tracker teams ng mga police stations ng Doña Remedios Trinidad (DRT), Malolos, San Jose del Monte, at Pandi at mga elemento mula sa 2nd PMFC, 301st MC RMFB3, PHPT Bulacan, at 3rd SOU-Maritime Group.
Kinilala ang mga nadakip na sina Virgilio Maranan, alyas Michael, most wanted person, residente sa Brgy. Camarin, North Caloocan na may kasong Rape by Sexual Assault; Eddiemar Embradora ng Brgy. Sto. Nino II, San Jose del Monte sa kasong paglabag sa RA 9165 (Dangerous Drug Act); Antonio Binas ng Brgy. Camachile, Doña Remedios Trinidad sa kasong Grave Coercion; at Darwin Balite ng Brgy. Bagna, Malolos sa kasong Attempted Murder. (MICKA BAUTISTA)