ni ROSE NOVENARIO
ISANG malaking hamon sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng batas militar ang pagsusulong ng mga kaso laban sa pamilya Marcos dahil sa pag-upo sa Malacañang ng anak ng diktador na si president-elect Ferdinand Marcos, Jr.
Inihayag ito ni human rights lawyer at dating Supreme Court (SC) spokesman Theodore Te kasabay ng pagtitiyak na ipupursigi pa rin ng mga biktima ng Martial Law human rights victims na panagutin ang mga Marcos.
“Ngayon, ang magiging siguro, mas challenging lamang po e kung ang nakaupo ay siya mismo ang anak no’ng pinapanagut(an),” ayon kay Te sa panayam sa programang Biserbisyong Leni sa DZXL kahapon.
“Kung kaya’t nasa taong bayan po iyon na i-remind ang gobyerno dapat ipagpatuloy ang prosesong iyon,” giit ni Te.
Si Te ang abogado ng grupo ng martial law victims na humihiling na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos Jr.
Iginiit niyang hindi puwedeng isantabi ang mga naturang kaso bunsod ng tagumpay na nakamit sa mga kahalintulad na kaso at ang compensation law na ipinasa para sa martial law victims.
Prayoridad aniya ng kanilang grupo na isulong ang mga kaso at tiyakin na magbabayad ang pamilya Marcos.
“Hindi dapat kalimutan na lamang, “ aniya.
Aminado siyang napakahaba ng prosesong pagdaraanan lalo ang pagbabayad sa mga Martial Law human rights victims.
Nakabinbin sa Sandiganbayan ang graft cases laban kay dating Unang Ginang Imelda Marcos, at sinisingil ang kanilang pamilya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng pagkakautang na P203 bilyong estate tax.