Malubhang nasugatan ang isang Angkas rider makaraang barilin ng ‘riding-in-tandem’ sa U-Turn slot sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.
Ang biktima ay nakilalang si Angelo Baal Soriano, 37, may asawa, Angkas rider, at naninirahan sa No. 2441 Onyx Street, Barangay San Andres Bukid, Manila.
Sa report ng Holy Spirit Police Station (PS-14) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 3:00 ng madaling araw (May 26), nang maganap ang insidente sa Commonwealth Avenue, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PCpl Mark Andrew Reyes ng PS-14, sakay ang biktima ng motosiklo pero pagdating sa U-turn slot sa Commonwealth ay hinarang siya ng dalawang lalaki na magka-angkas sa motor.
Dahil sa naramdamang panganib ay mabilis na pinasibad ng biktima ang kaniyang motor pero hinabol siya ng bala mula sa baril ng isa sa mga suspek at tinaman sa likod ang Angkas rider.
Bagamat sugatan ay nagawa pa ng biktima na humingi ng saklolo sa mga opisyal ng Barangay Holy Spirit, at agad siyang dinala sa East Avenue Medical Center kung saan hanggang ngayon ay ‘unstable’ pa rin ang kalagayan ng Angkas rider, ayon sa attending physician na si Khalid Saprolaah.
Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na insidente. (Almar Danguilan)