NAWASAK ng shrapnel mula sa inihagis na granada ang ilalim ng pick-up truck, pag-aari ng isang punong barangay sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan matapos tamaan ng pagsabog nitong Lunes bago maghatinggabi, 23 Mayo.
Sa ulat mula sa San Ildefonso MPS, hinagisan ng granada ang bahay ng kapitan na si Allan Galvez sa Brgy. Alaga.
Walang naiulat na nasaktan sa nangyaring pagsabog.
Sa post-blast investigation na isinagawa ng Bulacan PNP Explosives and Ordinance Division, narekober ang debris, shrapnel at safety lever ng hinihinalang hand grenade.
Ayon kay Bulacan PPO director P/Col. Charlie Cabradilla, batay sa paunang imbestigasyon, posibleng inihagis ang pampasabog mahigit 30 metro mula sa bahay ng kapitan at bumagsak ito sa ilalim ng sasakyan na nakaparada kaya ito ang tinamaan ng pagsabog.
Pahayag ni P/Maj. Marvin Aquino, acting chief of police ng San Ildefonso, naipadala na sa crime lab ang mga shrapnel para makompirma ang uri ng pampasabog na ginamit.
Dagdag ni Aquino, walang naiulat na banta o kaaway ang kapitang si Galvez, nakababatang kapatid ng mayor-elect na si Gazo Galvez, lalo noong election period.
Pero aniya, iimbestigahan pa rin nila ang lahat ng posibleng motibo sa insidente, gaya ng personal o kaugnay sa trabaho ng kapitan o sa nagdaang halalan.
Kasama na rin sa imbestigasyon ng San Ildefonso MPS ang investigation unit ng Bulacan police provincial office upang matunton ang mga salarin sa pagsabog. (MICKA BAUTISTA)