SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SA apat na taong pagiging endorser ni Marian Rivera-Dantes ng Beautederm Home lumalim na ang pagkakaibigan nila ng presidente at CEO nitong si Rhea Anicoche-Tan.
Sa engrandeng pagdiriwang ng pagmamahalan at pagkakaibigan, idinadaos ng Beautéderm Home ang pag-marka nito ng isang bagong milestone sa pag-commemorate ng pormal na renewal ni Marian bilang opisyal na brand ambassador nito for another 30 months!
“Napakatotoong friend ni Marian,” umpisa ni Rei ukol sa tagal ng kanilang pagsasama. “Siya iyong uri ng friend na napaka-loyal, ipaglalaban ka niya,” buong pagmamalaki ni Rei kay Marian.
“Si Ate Rhea hindi naman hindi instant na naging close kami eh. Gradual na nangyari iyan siguro kasi palagi kaming nag-uusap. Noong una, about product lang pero after niyon, iba-iba na ang pinag-uusapan namin, about shopping na, family na. So, lumalim na nang lumalim,” pagbabahagi naman ni Marian.
“And bilang tao, mararamdaman ninyo iyan kung sincere iyong tao sa inyo. So, naramdaman ko lahat iyon kay Ate Rhea kaya siguro hindi naging mahirap para sa amin na magkalapit ang loob namin hanggang ngayon,” sambit pa ni Marian.
At tulad ng ibang magkakaibigan, minsan na rin silang nagkaroon ng tampuhan. “Pero hindi iyong sobrang lalim na to the point na mag-aaway na. Hindi siguro mangyayari iyon sa amin. Tulad ng sabi niya pareho kami ng ugali, we are very transparent to each other, ang pamilya ang priority namin at love namin. At kapag nakita namin na mahal kami ng ibang tao, mas mamahalin namin kayo. Parehas kaming dalawa na ganoon,” sabi ni Marian.
Bukod sa trabaho, may personal na relasyon sina Marian at Rei. Minsang naikuwento sa amin ng huli namahilig silang mag-shopping, kaya may natanong sa kanila kung ano ba iyong hilig nilang i-shop.
“‘Wag na nating banggitin. Sabihin na lang natin na everytime may new collection hindi pwedeng hindi kami mag-d-dm sa isa’t isa,” ani Marian.
“Si Ate very supportive ‘yan kay Flora Vida (negosyong flower shop ni Marian). Marami eh, marami kaming pinag-uusapan. Shopping, kung ano-ano, family and the relationship, and ofcourse ‘yung bibilhing products. Marami kaming pinag-uusapan at marami pa kaming gustong gawin,” sambit pa ng misis ni Dingdong Dantes.
Sa kabilang banda hindi maiaalis na mag-stand-out ni Marian sa mga ibang Beautederm endorser.
“Ang nangyari kasi naging malalim na. Kapag nagkukuwentuhan kami, ‘bunso okey ba si ganito?’ Bilang matagal na rin naman siya sa industriya. Hindi na ako nahihiyang lapitan siya para magtanong ng kung ano-ano lang. Dapat nga parehas kami ng damit kaya lang baka pagsayawin ninyo kami. Pati iyon pinaplano namin. Sapatos na cute. Ano po siya, number one budol ng buhay ko,” nangingiting sabi ni Rei.
“Siyempre kapag sinabi ni Marian ganda ko, ha ha ha, at bibilhin ko ha ha ha. So parang si Yan Yan parang naging pamilya ko na naa-apreciate ko so, so, much. Parang si Kakai (isa ring Beautederm endorser) ganyan kami, mga kaibigan na na-earn ko sa negosyo ko hindi lang sila basta-basta endorser ko, kundi pamilya na,” sambit pa ng presidente ng Beautederm.
Ayaw namang ipabuking ni Rei kung nag-level up na rin ang TF ng Primetime Queen ng GMA sa muling pagpirma ng kontrata Beautederm.
“Ano siyempre Marian Rivera ‘yan pero dahil love niya ako binibigyan niya ako ng kaibigang…ha ha ha,” ani Rei.
“Hindi kaibigan yan, mataas na rin ‘yon,” singit naman ni Marian.
“At saka lagi ko namang sinasabi na parang nakadikit na iyong pangalan ko kay Marian. Parang kinikilig ka na kapag sinabing Beautederm Home kasi tinatanong siya lagi ng tao. At saka simula nang magkaroon ako ng Marian, yumaman ako, charing. Totoo iyon, iba talaga ang Marian!
“‘Di ba kung hindi bakit kinukuha ng malalaking kompanya si Marian? Nagtutulungan kayo, kinuha ko siyang endorser at the same time tutulungan ka niya na makilala ang brand mo. Hindi iyong kinuha mo lang siya para sa pangalan tapos wala na. So, ginagawa niya ang trabaho niya as my endorser. Achievement ‘yon sa part niya na tinatanong niya at nagbibigay siya ng idea.
“Tinatanong din niya ang sales, may concern siya sa produkto at sa kompanya. ‘Yan ang isang klase ng endorser na dapat kunin ng iba pang malalaking kompanya,” pagmamalaki pa ni Rei kay Marian na unang naging endorser noong 2018 na inilunsad ang brand na Reverie, isang exquisite line ng mga home scent. Ito iyong mga soy candle at air purifier gayundin ang mga room at linen sprays.
Ang Reverie ay play of words sa pangalan ni Rhea Anicoche-Tan o Rei at ng pangalan ni Marian noong dalaga pa siya at ang konsepto ng gustong ipadama ng brand sa mga user nito—ang ma-relaks habang tinatamasa ang kakaiba at matatamis na mga amoy ng pag-ibig na dulot ng Beautéderm Home.
Ang unang mga produkto ng Reverie line ng Beautéderm Home ay ang Into The Woods (Bamboo Scent), Smells Like Candy (Cherry Scent), Time To Bloom (Fresh Rose Scent), Something Minty (Eucalyptus Scent), at Rest & Relaxation (Lavender Scent) – na lahat ay nilikha mula sa formulation hanggang sa individual packaging sa malapit na pakikipag-ugnayan kay Marian. Taong 2021 naman ipinakilala ng line ang dalawa pang additional scents – ang Matcha To Love at Take Me Away.
At ngayong 2022, level-up ang Beautéderm Home sa pag-introduce nito sa mga brand-new at essential na mga produkto na ‘di lamang magpapabango sa bawat tahanan ngunit poprotektahan din tayo sa mga germ, bacteria, at viruses.
Ang una sa mga bagong produkto ay ang Pour Tout Faire – isang 3-in-1 multi-purpose spray that deodorizes, disinfects, and protects sapagkat formulated ito para ma-eliminate ang mga unpleasant odors; upang instant na ma-disinfect ang surfaces dahil pinapatay nito ang mga bacteria at viruses upon contact; at para rin maprotektahan ang bawat miyembro ng pamilya. May dalawang variants ito – ang Fresh & Vibrant at Clean & Calm. Ideal ang Pour Tout Faire sa pag-sanitize ng hangin; para sa mga linen at lahat ng surfaces; at maaari rin itong i-spray sa balat ng tao at sa mga damit at 100% na ligtas din ito para sa mga bata at pets.
At bilang special treat sa partnership renewal ng Beautéderm Home at ni Marian, maglalabas ang Reverie ng special limited-edition soy candle box set na may tatlong bagong scents na kinabibilangan ng Inviting Cherimoya, Irresistible Vanilla, at Tempting Pear and Melon.
“Maligaya po ako sapagkat tumagal ang relationship ko sa Beautéderm Home at excited po ako as I look forward to many more years with this brand na talaga namang malapit sa puso ko,” ani Marian. “We have worked so hard in developing these new products at very proud ako na ipakilala ang mga ito sa lahat.”
Ayon naman kay Rhea, “Isa siya sa pinaka-propesyonal na ambassadors namin. What I love about her is that her love for me is wholeheartedly extended to my staff and to all of our resellers and distributors. I truly celebrate Marian and her solid partnership with Beautéderm Home. But more than that, grateful po ako sa sincere and loyal friendship niya.”