ARESTADO ang dalawang nakatalang high value target (HVT), nakompiskahan ng higit sa P400,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang anti-illegal drug operations sa lungsod ng Olongapo nitong Linggo, 22 Mayo.
Batay sa ulat ni P/Col. Carlito Grijaldo, acting city director ng Olongapo CPS, nagsagawa ang mga elemento ng CPDEU, PS3 SPDEU, at OCMFC ng anti-illegal drug operation sa loob ng isang compound sa Gordon Ave., Brgy. New Kalalake, sa lungsod.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa mga suspek na kinilalang sina Rocky Amora, 26 anyos, nakatala bilang high value individual (Regional Level), residente sa Brgy. Lower Kalaklan; at tandem na si Mary Rose Vitan, 35 anyos, residente sa Brgy. New Kalalake, sa naturang lungsod.
Nasamsam mula sa dalawang suspek ang pitong piraso ng selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 61.25 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P411,500.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)