NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang lalaking nagtatapang-tapangan matapos ireklamo ng pagbabanta at pagpapaputok ng baril habang nasa impluwensiya ng alak sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 22 Mayo.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Bernard Pagaduan, hepe ng Marilao MPS, kinilala ang suspek na si Dindo Carballo, residente sa Brgy. Ugongm Valenzuela, na dumayo ng Marilao para manggulo.
Inaresto ang suspek ng mga tauhan ng Marilao MPS matapos ireklamo ng panggugulo habang nasa impluwensiya ng alak, paghahamon ng away at sumisigaw ng pagbabanta sa isang biktima kasunod ang pagpapaputok ng dalang baril.
Ngunit biglang nawala ang kalasingan at tapang ng suspek nang dumating ang mga respondeng pulis at pagsalikupan siya na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng bala.
Nahaharap si Carballo sa mga kasong Alarm and Scandal, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Omnibus Election Code. (MICKA BAUTISTA)