ni ROSE NOVENARIO
TINANGGAP ni Cavite 2nd District Rep. Boying Remulla ang alok ni presumptive president Ferdinand Marcos, Jr., na maging secretary ng Department of Justice (DOJ) ng kanyang administrasyon.
Hindi pa man pormal na nakaupo bilang justice secretary, binatikos agad ni Remulla ang media na aniya’y kontrolado ng malalaking korporasyon at may bisyong banatan ang ‘nation states.’
Sa pananaw ni Remulla, gusto ng media na kasangga ng malalaking kompanya na mawala ang tiwala ng tao sa mga bansa at sa kanilang leader.
Giit niya, ‘fake news’ ang ibinabalita ng media dahil pumasok ang public relations kaya’t may pinapaboran ang istorya.
“Ang ayaw natin kasi, ‘fake news’ ang nangyayari d’yan, parang meron na agad pinapaboran ang istorya hindi inaayos talaga. Meron ng lobby na pumapasok. Alam naman natin, PR is the biggest job in media, d’yan ang pera sa media ‘di ba sa PR?” aniya sa programang Sa Totoo Lang sa One Ph kagabi.
Ipinagtanggol ni Remulla ang social media bilang equalizer umano ng ibinabalita ng mainstream media na kontrolado ng big corporations.
“Ang maganda na lang meron tayong social media which equalizes everything kung hindi talaga namang controlled na ng big big corporations, coupled with business ang lahat,” sabi niya.
Taliwas sa pahayag ni Remulla, mas maraming inilalabas na fake news sa social media lalo na noong 2022 election campaign, batay sa ilang pag-aaral.
Noong Marso 2022 ay tinawag na iresponsable at insulto sa mga Caviteño ang bintang ni Remulla na hinakot at binayaran ang may 47,000 supporters na dumalo sa grand rally ni Vice President at presidential bet Leni Robredo sa Gen. Trias, Cavite.
Inakusahan din ni Remulla ang mga nagpunta sa grand rally ni Robredo ay mga bayaran at ang iba’y mga aktibistang sinanay ng National Democratic Front (NDF) na mariing itinanggi ng kampo ng bise-presidente at inalmahan ng mga organizer ng pagtitipon maging ng mga makakaliwang grupo.
Kaugnay nito, bukod kay Remulla, tinanggap rin ni Arsenio Balisacan ang alok ni Marcos, Jr., na pamunuan niyang muli ang National Economic Development Authority (NEDA), si Bienvenido Laguesma ay bilang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Susan Ople bilang Department of Migrant Workers secretary.