TIYAK na marami ang nagulat sa bagong KD Estrada na nakita sa digital video magazine ng Star Magic, ang Flex na kauna-unahang cover boy ang aktor.
“Mas mature na KD na ang makikita niyo rito. Rati kasi ibini-build up ako as the ‘Boy Next Door’ o ung cute na teenager. Ngayon, ready na ako mag-level-up. Hindi naman ibig sabihin ay sasabak na ako sa mas mature na role pero for sure, mas marami pa akong bagong maipakikita sa viewers,” ani KD sa isinagawan media conference ng Flex.
Ani KD, gusto niyang baguhin ang tingin o konsepto ng mga tao ukol sa mga lalaki.
“Naalala ko noong bata ako, bawal umiyak ang mga lalaki. Itinuro sa amin na ang pag-iyak ay hindi nakaka-lalaki. Hindi namin pwede ipakita ‘yung nararamdaman namin. Dapat lagi kang maangas at ipakita mo na dominante ka. Para sa akin, hindi na dapat ganoon ang tingin ng tao ngayon.
“Para sa akin, ang bagong bersyon ng lalaki ay ‘yung inayakap mo ‘yung sarili mo bilang isang lalaki. Kahit anong identity ka pa. Mapa-bakla, straight, feminine, o masculine. Pwede kang maging kahit anong gusto mo basta wala kang sinasaktang tao. Dapat yakapin at mahalin mo ang sarili mo kahit sino ka pa,” giit pa ng aktor.
Kasama ni KD sa Flex video magazine ang dating PBB housemates na sina Andrei King, Laziz Rustamov, at Aleck Iñigo, dating Bidaman contestant Wize Estabillo, at Star Magic artist Anthony Barion na maglalaban-laban sa Kumu, Facebook, at KTX sa loob ng dalawang linggo. Tanging ang apat na may pinakamaraming boto ang mag-a-advance sa huling linggo at may tsansang makuha ang sariling layout sa naturang digital video magazine.