MISTULANG minahika ni David Copperfield na naglahong bigla at hindi na matunghayan ng publiko ang website ng Palasyo na malacanang.gov.ph. kahapon.
Ang naturang website ay nagsisilbing imbakan ng impormasyon ng Presidential Museum and Library na naglalaman ng mga detalye tungkol sa kasaysayan ng mga nagdaang presidente ng Filipinas pati ang mga nangyari sa bansa sa ilalim ng batas militar na ipinatupad ng diktador at dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.
Walang kibo ang mga opisyal ng Palasyo sa naturang usapin.
Ang pagkawala ng website ay naganap ilang araw matapos angkinin ng anak ng diktador at presumptive president Ferdinand Marcos, Jr., ang tagumpay sa katatapos na presidential elections.
“Malacanang.gov.ph where the repositories of the Presidential Museum and Library were, is gone,” sabi ni dating Presidential Communications Development and Strategic Planning Office officer-in-charge (OIC) Manuel “Manolo” Quezon III sa isang tweet kahapon.
Sa pangambang mabura nang tuluyan ay ibinahagi ni Quezon III ang iba’t ibang artikulo mula sa Official Gazette ng gobyerno kaugnay sa pagdedeklara ng diktador ng batas militar.
Nasa aklat aniya ang mga naturang artikulo at naka-back up sa http://Archive.org, para mabasa ng publiko, ang para sa publiko, at hindi pagmamay-ari ng gobyerno.
Matatandaan, si Quezon III ang namahala sa development ng Presidential Museum and Library at dating editor-in-chef ng Official Gazette noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III. (ROSE NOVENARIO)