AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
TAPOS na ang halalan… at sa ayaw at sa gusto ng maraming Pinoy, may bago nang pangulo ang bansa – ang anak ng yumaong diktador na si dating presidente Ferdinand Marcos, Sr., na kinasuklaman ng milyon-milyon Pinoy noon kaya pinatalsik sa Palasyo.
E ngayon, matapos ang 36 taon, ang pamilyang pinalayas sa Malacañang ay ‘balik-bahay’ na. Yes, ilang buwan na lang ay muling makatutungtong sa Palasyo ang pamilya Marcos.
Ito nga ay sa pamamagitan ng bagong halal na pangulo ng bansa na si Ferdinand Marcos, Jr., a.k.a. Bongbong. Mas nakilala sa tawag na ‘BBM’ sa panahon ng kampanya.
Ano pa man, igalang na lamang natin ang naging desisyon ng mahigit sa 30 milyong kababayan natin na naghalal kay BBM. Abangan na lamang natin kung paano tutuparin ni BBM ang kanyang mga ipinangako dahilan para magtiwala sa kanya ang nakararami, hindi sa nakatunggaling si VP Leni Robredo.
Dalawampung piso kada kilo ng bigas, isa sa pangako ni BBM. Naku po! Lalo yatang maghihirap ang mga magsasaka natin.
Uli, mga kababayan tapos na ang eleksiyon, maging mapagbantay na lamang tayo para sa kinabuksan ng bansa partikular sa lagapak na ekonomiya.
Nawa’y sa susunod na anim na taon, sa ilalim uli ng Marcos administration, nawa’y makababangon ang bansa na lubog sa utang…at umasenso ang lahat ng mahirap na nagluklok kay BBM.
Ngayon, maiba nga tayo, hindi patungkol sa nakalipas na halalan kung hindi kaugnay sa mga ‘negosyante’ na nanamantala sa pagkaabala ng lahat nitong nakalipas ng eleksiyon.
Sinamantala ang pagkaabala ng pulisya – batid naman natin na nakapokus ang PNP maging ang lokal na pamahalaan sa katatapos na halalan kaya, hayun namayagpag din ang mga negosyante kuno sa pagpapatakbo ng kanilang ilegal na negosyo — ang loteng.
Loteng na nagpapabagsak sa kita ng lotto na pinatatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Kung baga, sinasabotahe ang lotto.
Isa sa nananabotake sa kita ng PCSO ang kilalang loteng king ng Marikina City – si alyas PINONG. Bago pa nag-umpisa ang campaign period ay lumarga na pala ang loteng ni Pinong sa lungsod.
Malakas ang loob ni Pinong, hindi lang dahil abala ang PNP kundi dahil walang manghuhuli sa kanya at sa halip, ipinagmamalaki ng tropa ni Pinong na may basbas ang palaro sa ilang opisyal ng lungsod o LGU ng Marikina City.
Ipinagmalaki ng kampo ni Pinong na kaya naging untouchable ang kanilang loteng dahil sa ilang kandidato ng lungsod ay kanilang sinuportahan. Anong suporta kaya ang tinutukoy rito? Pangakong ikakampanya ang mga kandidato? Malabo. E ano? Ano pa nga ba?
Anyway, tapos na ang halalan pero ang loteng ni Pinong ay tuloy na tuloy pa rin o magpapatuloy dahil ilan sa kanyang sinuportahang kandidato ay nanalo.
Meaning, lalo pang mamamayagpag ang loteng ni Pinong sa lungsod.
Marikina Mayor Marcy Teodoro, naniniwala naman tayo na hindi kayo isa sa ‘imina-marites’ ng kampo ni Pinong na sinuportahan nitong nakaraaang halalan kaya, ano ang dapat gawin? Sugpuin ang loteng ni Pinong.