ISINAILALIM nitong Miyerkoles, 11 Mayo, ng Philippine National Police (PNP) sa inquest proceedings ang 24 indibidwal na sangkot sa shootout, isang araw bago ang halalan sa Purok Gulod, Brgy. Concepcion, sa bayan ng General Tinio, lalawigan ng Nueva Ecija.
Batay sa paunang ulat mula sa PRO3 PNP, ang mga naaresto ay pawang mga security personnel ng dalawang magkatunggali sa pagka-alkalde sa General Tinio, pangalawa sa pinakamalaking munisipalidad sa lalawigan.
Nabatid, lima sa mga indibiduwal ay security personnel ni mayoral candidate Virgilio Bote, habang 19 sa mga naaresto ang tauhan ni incumbent Mayor Isidro Pajarillaga.
Nahaharap sa patong-patong na kasong frustrated murder, gun ban violation, at paglabag sa firearms and ammunition regulation act ang mga sangkot sa insidente.
Bisperas ng halalan, 8 Mayo, nang abutan ng mga tauhan ng PNP na tadtad ng tama ng bala ang dalawang sasakyan ng magkabilang panig kaya pinag-aaresto ang mga sangkot sa barilan.
Nakompiska sa mga tauhan ni Bote ang isang 12-gauge shotgun at caliber .45 pistol, habang nasabat sa tauhan ni Pajarillaga ang mga sumusunod: limang M16 rifles, 11 caliber .45 pistols, tatlong 9mm pistols, isang caliber .40 pistol, isang 12-gauge shotgun, mga bala, at election paraphernalia.
Samantala, lumabas sa resulta ng halalan na mananatiling alkalde ng General Tinio si Pajarillaga, matapos malamangan ng higit 1,200 boto si Bote.
Napag-alamang matagal nang mainit ang politika sa nasabing bayan at maaalalang noong Hulyo 2018 tinambangan ng hindi kilalang suspek ang dating alkalde na si Ferdinand Bote habang siya ay nasa National Irrigation Administration (NIA) office sa lungsod ng Cabanatuan. (MICKA BAUTISTA)