DINAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagpakilalang chairwoman ng United Muslim Lumad Inter Faith (UMLIF) matapos mambiktima ng mga kandidato na pinangakuan ng pondo mula sa isang presidential candidate at saka hiningian ng pera sa Brgy. Socorro, Cubao, Quezon City.
Kinilala ni QCPD Director, P/BGen. Remus Medina, ang naarestong suspek na si Aisha Noreen Estrada-Verano, 54, sa residente sa Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City.
Batay sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7), pinamumunuan ni P/Lt. Col. Elizabeth Jasmin, nabatid na habang nasa Bauang, La Union sina Verano kamakailan, kasama ang dalawa pa niyang kasabwat na kinilalang sina Rocky Boadilla at Danny Martinez, nakahikayat sila ng 40 kandidato mula sa Norte at napaniwalang may koneksiyon sila sa isa sa presidential aspirant na magbibigay ng election fund sa kanila.
Hiningian umano ng mga suspek ang mga biktima ng tig-P2,000 bawat isa bilang registration fee upang makuha ang ipinangakong pondo.
Dakong 6:00 am kamakalawa, nakipagkita ang mga suspek sa Food Park, Araneta City na matatagpuan sa kahabaan ng Gen. Roxas corner Times Square St., Brgy. Socorro, Cubao, Quezon City at ibinigay ng mga biktima ang nakolektang bayad.
Kalaunan ay napaisip ang mga biktima na sila ay niloko ng mga suspek at tinangay ang kanilang pera kaya agad silang humingi ng tulong sa PS-7 na agad nagresponde, nagresulta sa pagkakadakip kay Verano.
Samantala, ikinasa ang manhunt operation laban kina Boadilla at Martinez para sa kanilang agarang pagkaaresto.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 ng RPC, Swindling (Estafa).
“Pinupuri ko ang PS 7 para sa kanilang mabilisang pagtugon sa insidente na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek. Maging babala po sana ito hindi lang sa mga kandidato, kundi pati na rin sa ating mga kababayan na mag-doble ingat sa ganitong modus. Huwag po basta magtiwala lalo na kung may perang involve. I also commend the presence of mind of the victims who reported the incident immediately and I would like to call on other victims of similar modus to come forward and press additional charges against the suspects,” pahayag ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)