Saturday , November 16 2024

Huling desisyon sa e-sabong

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SA BIBIHIRANG pagkakataon, ang Simbahang Katoliko at si Pangulong Duterte ay nagkasundo — at marahil, sa huling pagkakataon — nang ipag-utos ng Punong Ehekutibo ang pagpapatigil sa electronic cockfighting o e-sabong sa bansa.

Ang paninindigan ng Simbahan at ang takbo ng pag-iisip ni Duterte ay imposibleng magkapareho, gaya ng Langit at Impiyerno. Mismong kay Digong na nanggaling, kahit pabiro, nang sabihin niya sa kanyang mga tagasuportang nagtipon-tipon kamakailan sa isang campaign rally sa Cainta, Rizal, na kapag pumanaw ang mga ito, dapat daw na magsama-sama sila sa impiyerno.

“‘Di tayo matatanggap sa langit. Prangkahan na lang,” sinabi ni Duterte sa kanyang mga tagasuporta.

“Kaya dalhin ko na lang kayo doon sa impiyerno at huwag kayong matakot, hintayin ko kayo doon, doon na tayo lahat.”

Umani ng halakhakan mula sa kanyang mga tagasuporta, dagdag ng Pangulo: “‘Pag ako ang namatay, magkasabay tayo, mag-parade tayo, punta tayo sa trono ni Satanas. Ang gawin ko, sa harap ninyo, sampalin ko ‘yang p***** i**ng Satanas na ‘yan. At putulin ko ‘yung buntot niya, gawain nating balbacua, sabayan natin ng inom doon. ‘Wag kayong matakot kay Satanas. ‘Di bale, malapit na tayo mag-takeover. E, kung may eleksiyon lang, panalo talaga tayo do’n!”

Mahihinuhang walang sinomang leader ng bansa ang nang-insulto nang ganoon sa Simbahang Katoliko, na una na niyang pinagmumura ang mga pari at obispo at maging ang Santo Papa nang napakaraming beses na para bang naghahamon ng excommunication 70 times seven!

Pero ngayon, nakikita natin ang maamo at mabuting Simbahan, buong pagpapakumbabang nagpahayag ng suporta sa desisyon niyang ipatigil ang operasyon ng e-sabong at pinuri ang ginawa niyang ito bilang pagpapakita ng malasakit sa mga pamilya at indibiduwal na negatibong naapektohan ng online gambling.

Sa pahayag ni Bishop Marcelino Antonio Maralit, na namumuno sa Episcopal Commission on Social Communication ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP): “Nangangahulugan itong hindi lamang niya (Duterte) nakita ang tinatawag na benepisyong pinansiyal kundi maging ang maraming negatibong epekto nito (e-sabong) sa mga tumataya.”

Nauna rito, nagpaliwanag si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa naging pasya ni Duterte, sinabing “ang pangunahing dahilan dito ay ang adiksiyon.” Aniya, ikinadesmaya ni Duterte ang katotohanang ipinangsusugal ng mga tao ang kanilang kita at ipon ng pamilya, hanggang sa puntong isinasangla ang kanilang mga ari-arian para lang makataya.

               Tulad ng ipinagdarasal ng Simbahan, umaasa tayong mananatili ang polisiyang ito ng gobyerno. Marahil para isalba ang kanyang kaluluwa, tama ang naging pasyang ito ni Duterte na protektahan ang moralidad ng mga pamilya mula sa mapanirang banta ng adiksiyon sa sugal, pero bilang na ang mga araw niya sa Palasyo.

Ang nakababahala, ang pinakabigating amo ng industriya ng e-sabong, si Charlie “Atong” Ang, ay kompiyansa sa pagpapabuti pa ng gawaing ito na para bang sigurado siyang magbabalik ang e-sabong. “‘Wag kayong mag-alala,” sinabi ni Ang sa kanyang video message sa mga breeders at operators ng off-cockpit betting stations (OCBS). “Maghintay lang kayo habang inaayos natin ang pagtatama ng mga polisiya tungkol dito.”

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …